Tatlong drug suspect, kabilang ang isang barangay tanod, na umano’y miyembro ng drug syndicate sa katimugang bahagi ng Metro Manila ang nadagdag sa bilang ng mga napatay, habang 24 na hinihinalang tulak at adik ang inaresto sa kampanya kontra ilegal na droga ng Philippine National Police (PNP) kamakalawa.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director, Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. masusing iniimbestigahan ang pagkamatay nina Joseph Pedrina, nasa hustong gulang, ng Barangay Tunasan, Muntinlupa City; Christian Gabriel, nasa hustong gulang, ng Baclaran, Parañaque City; at Noel Valenzuela, nasa hustong gulang, barangay tanod, at nakatira sa Bgy. 30, Pasay City.

Base sa ulat, dead on the spot si Pedrina na nagtamo ng ilang tama ng bala sa katawan nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Bgy. Tunasan.

Isa namang hindi pa nakikilalang suspek ang rumatrat kay Gabriel sa Baclaran, Parañaque City kung saan narekober ang drug paraphernalia.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ganito rin ang sinapit ni Valenzuela na pinagbabaril ng mga armado sa Bgy. 30, Pasay City.

Samantala, dinakma ng awtoridad ang 23 katao, na pawang sinasabing gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, sa Guadalupe, Makati City habang isang babae na umano’y tulak ng ilegal na droga, si Pamella Aguillon, ang inaresto sa Parañaque City. - Bella Gamotea