NI: Gilbert Espena
MASUSUBUKAN ang kahandan para magbalik-aksiyon si dating two-division world titlist Filipino American Brian Viloria sa pagsabak sa mapanganib na si WBO No. 13 flyweight Miguel Cartagena sa Setyembre 9 sa StubHub Center, Carson, California sa Estados Unidos.
Nakabalik sa world rankings si Viloria matapos ang kumbinsidong panalo sa puntos kay Mexican super flyweight champion Ruben Montoya na ginanap sa Kokugikan, Japan noong nakaraang Marso 2. Nakalista si Viloria ngayon bilang No. 3 sa WBO, No. 5 sa WBA, No. 5 sa WBC at No. 7 sa IBF sa flyweight division kaya malaki ang mawawala sa kanya kung tatalunin ni Cartagena.
Ngunit mabigat na kalaban ang 25-anyos na si Cartagena na naka-upset kay dating world ranked Pinoy boxer Joebert Alvarez na tinalo niya via 1st round TKO sa Kissimmee, Florida noong Hulyo 15, 2016.
Sa kanyang huling laban, tumabla si Cartagena kay dating Japanese world champion Toshiyuki Igarashi noong nakaraang Abril 1 sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.
May rekord si Cartagena na 15-3-1 na may 6 pagwawagi sa knockouts kumpara sa 36-anyos na si Viloria na may kartadang 37-5-0.