MAPAPANOOD ang buhay ng The Voice Teens finalist na si Mica Becerro sa kanyang paglalahad ng mga pinagdaanang dagok sa buhay ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya.
Bata pa lamang, malapit na sa puso ni Mica (gagampanan ni Amy Nobleza) ang musika. Todo suporta naman ang kanyang pamilya sa kanyang pag-awit lalo na ang kanyang amang si Ramil (Adrian Alandy) na pinakamalapit sa kanya. Kaya naman tila bombang sumabog sa kanya nang malaman niya ang pangangaliwa ng ama.
Walang mapaghingahan ng galit, pinili na lang ng dalagita na idaan ang nararamdaman sa pagkanta. Ngunit isang kalbaryo pa pala ang bubungad sa buhay niya, nang na-stroke ang kanyang ama.
Alamin kung paano hinarap ni Mica ang panibong pagsubok. Ito kaya ang nagbigay-daan sa pagkakaunawaan nila ng kanyang ama?
Makakasama nina Amy at Adrian sa episode ngayong gabi sina Vina Morales, Ynna Asistio, Eva Darren, Faye Alhambra, at Dexie Diaz, mula sa panulat ni Joan Habana at sa direksiyon ni Raz dela Torre.
