Ni: Bella Gamotea
Naghain kahapon ng supplemental complaint affidavit sa City Prosecutor’s Office si Parañaque City Treasurer officer-in-charge (OIC) Gualberto Bernas IV laban sa isang miyembro ng media dahil sa kasong robbery/extortion.
Personal na nagtungo si Bernas, kasama ang kanyang abogado na si Atty. Rein Sanchez, sa sala ni Parañaque Prosecutor Assistant City Prosecutor Christian Ron Esponilla upang ireklamo si Bernardo Anabo y Rivera, 33, ng Maricaban Street, Barangay 128, Pasay City.
Sa reklamo ni Bernas, hiningan umano siya ni Anabo ng P30,000 kapalit ng hindi paglabas ng artikulo kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa pinamumunuang tanggapan ni Bernas.
Ang mga kopya ng artikulo, na lumabas sa ilang diyaryo, ay ipinamahagi pa umano ni Anabo sa mga tao sa Parañaque City Hall.
Nitong Agosto 4, inaresto si Anabo matapos umano niyang tanggapin ang inisyal na P10,000 marked money mula kay Bernas sa ikinasang entrapment operation ng Parañaque City Police.
Ayon kay Bernas, nagsampa na rin siya ng kasong libelo laban sa kolumnistang si Rommel Jota at editor na si Becka Rodriguez.