Ni: Ric Valmonte
TINANGGIHAN na ng Commission on Appointments (CA) ang pagkahirang ni Judy Taguiwalo bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Dapat naman na itong asahan dahil dalawang ulit na nitong hindi inaksiyunan ang kumpirmasyon ng pagkakatalaga sa kanya. Isa pa, ganito ang nangyari sa appointment ni Gina Lopez bilang secretary ng Department of Environment and Natural Resources. Ayaw makasama ng mga pulitiko ang kagaya nilang ibang uri kung manungkulan. “Natutuwa ako,” sabi ni Taguiwalo sa pag-reject ng CA sa kanyang appointment, “dahil natulad ako ng nauna sa akin na hindi corrupt.”
Nang i-reject ang appointment ni Taguiwalo, nagbotohan ang 24 na miyembro ng CA. Ginawa nila itong sikreto sa hiwalay na silid. Sa pagkakaroon ng 13 boto na hindi pabor sa kanyang appointment, sinabihan na si Taguiwalo ukol dito.
Ngunit kung gaano niya katapang na hinarap ang mga mambabatas, ganoon din niya katapang na hinintay ang pormal na pagtutol sa kanyang appointment. Aniya, ang layunin niya ay marinig ang dahilan ng pagtutol, ngunit walang inihayag.
Mahigit isang taon ding nanungkulan si Taguiwalo bilang DSWD secretary. Sa mga katulad niya, hindi na kailangan pa ang mahabang panahon para masubok mo kung paano niya gagampanan ang kanyang tungkulin. Sa maikling panahon ng kanyang panunungkulan, ipinakita niya ang kanyang malaking pagkakaiba sa mga nakasama niya sa gobyerno, lalo na iyong mga pulitiko. Ang sa tingin niya na isa sa mga hindi nagustuhan sa kanya ng mga pulitiko ay ang pagtutol niya sa kagustuhan ng mga ito na sila mismo ang tumangan ng perang hawak ng kanyang opisina. Ayon daw sa kanila, pork barrel nila ito at sila ang bahala kung paano nila ito gagastusin. Ngunit, ang ginawa ni Taguiwalo ay nag-isyu siya ng memorandum sa mga opisyal ng DSWD na tulungan ang lumapit sa kanila kahit walang referral ang mga pulitiko. “Pera ng bayan ito at hindi ito kanila,” wika ni Taguiwalo. Kaya, pinangalagaan niya ang salapi ng bayan. Ipinagkaloob niya kung kanino ito nararapat. Kaya, kumpletong nakararating sa mga biktima ng kalamidad ang tulong ng gobyerno na nagdaan sa kanyang ahensiya.
Nang hingan ni Pangulong Rodrigo Digong ang grupong makakaliwa ng mga taong hihirangin niya sa mga posisyong inireserba niya para rito, inirekomenda niya si Taguiwalo. Kaya, siya ang hinirang ng Pangulo bilang DSWD secretary.
Ang kaugnayan ni Taguiwalo sa makakaliwa ay hindi naiwasang busisiin ng mga mambabatas sa CA. Maaaring ang sumama na ring relasyon ng Pangulo sa makakaliwa ay dahilan upang ibasura ng CA ang kanyang appointment. Gayunman, naipakita niya kung paano maglingkod ang makakaliwa: tapat, makamasa at makabayan. Mabuhay ka, Judy Taguiwalo.