SA unang pagkakataon na kinansela natin ang eleksiyon para sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) noong Oktubre 2016, idinahilan natin ang “election fatigue”. Katatapos lamang natin noong maghalal ng pangulo, Mayo 2016, at naluklok nga sa puwesto si Pangulong Duterte. Nagkasundo ang lahat na pinakamainam ang ipagpaliban ang barangay at SK elections ng kahit isang taon, at itinakda ang botohan sa Oktubre 23, 2017.
Lumipas ang isang taon at ngayon ay may panibagong hakbangin upang ipagpaliban ang eleksiyon sa ikalawang pagkakataon. Ang dahilan sa pagkakataong ito, gaya ng sinabi ni Pangulong Duterte, ay dahil hanggang 40 porsiyento umano ng mga opisyal ng barangay sa bansa sa ngayon ang sangkot sa ilegal na droga. Perang kinita sa droga ang naghalal sa kanila, at posibleng ito rin ang muling magluklok sa kanila sa puwesto. Iminungkahi ng Pangulo na habang hindi pa makapaghahalal ng bago, dapat na italaga na lang ang mga kapitan ng barangay.
Nitong Lunes, inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang mosyon upang ipagpaliban ang eleksiyon sa Mayo 2018. Gayunman, hindi sang-ayon ang komite sa panukalang magtalaga ng ating mga barangay chairman.
Sa halip, iginiit nitong manatili na lamang sa puwesto ang mga kasalukuyang nakaupo sa holdover capacity.
Malinaw na nakasaad sa Konstitusyon na kabilang ang mga opisyal ng barangay sa “elective local officials”, kaya imposibleng italaga sila. Gayunman, pinahihintulutan ang mga “holdover” na opisyal kaya naman iminungkahi ng House Committee on Suffrage na manatili muna sa kani-kanilang posisyon ang mga nakaupong barangay at SK official hanggang sa makapaghalal na ng mga bagong pinuno sa Mayo.
Isasalang na sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang paninindigan ng komite. At kung anuman ang pinal na maaprubahan ng Mababang Kapulungan ay dapat na maitulad sa inaprubahan naman ng Senado. Ang anumang pagkakaiba ay pag-uusapan sa Conference Committee.
Gayunman, ngayon pa lamang ay dapat na bigyang-diin ang dahilan ni Pangulong Duterte sa mungkahi niyang ipagpaliban ang eleksiyon, na maraming incumbent official ang nahalal dahil sa koneksiyon nila sa ilegal na droga. Sakaling aprubahan ng Kongreso ang panukala para sa pagpapanatili sa mga opisyal ng barangay, nangangahulugan itong mamumuno ng pito pang buwan ang mga opisyal na sangkot sa droga.
Sa deliberasyon ng komite ng Kamara, sinabi ni Act Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na kung totoong maraming opisyal ng barangay ang totoong sangkot sa droga, dapat na kasuhan ang mga ito. Hindi ang pagpapaliban ng halalan ang dahilan, aniya. Dahil dito, iginiit niya ang pagdaraos ng eleksiyon, gaya ng itinakda.
Tama lamang na pagnilayan ang kanyang punto. Sa pagpapatuloy ng malawakang kampanya ng gobyerno kontra droga at sa matinding suporta ng bansa kay Pangulong Duterte, imposibleng may tulak ng droga o sinumang sangkot sa droga sa hanay ng mga opisyal ng barangay ang mahahalal sa Oktubre.