NI: Celo Lagmay

MAY lambing ang ating mga kapatid sa industriya ng pelikulang Pilipino, lalo na ang mga bumubuo ng Film Development Council of the Philippines (FDCP): Suportahan at tangkilikin ang mga pelikulang Pilipino. Ang tinutukoy nila ay mga tampok na pelikula sa pagdiriwang ng Pista ng mga Pelikulang Pilipino (PPP) na nagsimula kamakailan at matatapos sa Agosto 22.

Matagal nang naging bahagi ng ating pagsisikap ang pagpapaunlad ng mga katutubong pelikula sa pamamagitan ng pag-untag sa kamalayan ng mga haligi at patron ng naturang mga panoorin. Bagamat sandali lamang tayong naging movie editor ng isang pahayagan, hindi tayo tumigil sa paghikayat sa mga movie producers, director, film writers at iba pa upang gumawa ng mga pelikula. Noon pa man, naniniwala ako na ang mga pelikulang Pilipino ang epektibong instrumento sa pagpapahalaga at preserbasyon ng ating sining at kultura at sa pagpapalaganap ng ating sariling wika – ang Filipino; lalo na ngayon na ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wikang Filipino na itinataguyod ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF).

Matagal na nating napatunayan na ang kalidad ng mga pelikulang Pilipino ay maihahanay na rin sa mga dayuhang panoorin. Katunayan, marami tayong mga pelikula na nagtamo ng mga karangalan sa Asian at International film competition. Dangan nga lamang at may pagkakataon na matamlay ang partisipasyon ng ilang movie producers sa paglikha ng tinatawag na “blockbuster movies”. Naging hudyat iyon ng panlulupaypay ng industriya ng pelikula.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa kabila ng sama-samang pagsisikap ng mga kaisa sa movie production, higit na kailangan ngayon ang suporta ng gobyerno sa naturang industriya. Ang pagkakaloob ng mga insentibo, tulad ng mababang buwis at iba pang kaluwagan na magpapasigla sa paglikha natin ng makabuluhang mga panoorin; hindi lamang ang mga itinatanghal sa mga sinehan kundi mga obra maestra na mailalahok sa mga kompetisyon.

Kailangang maibalik ang sigla sa paggawa ng pelikula noong unang itinanghal ang Manila Film Festival (MFF), sa pagsisikap ng yumaong si Mayor Antonio ‘Yeba’ Villegas. Magugunita na ito ang pinagmulan ng idinadaos nating Metro Manila Film Festival (MMFF) tuwing Disyembre. Sa panahong ito, pawang pelikulang Pilipino ang itinatanghal at tinatampukan ito ng paligsahan ng mga kalahok na panoorin.

Totoong ibang grupo ang nagtataguyod ng PPP subalit ang mga pelikulang tampok dito ay mapapanood din sa lahat ng sinehan sa buong bansa. Gayunman, natitiyak ko na ang pagpupunyagi nito ay nakalundo rin sa pagpapaunlad at pagpapalaganap ng mga katutubong pelikula – ang industriya na hindi dapat mamatay.