NI: Clemen Bautista
ISANG mahalaga at natatanging araw para sa mga taga-Angono, Rizal ang ika-19 ng Agosto sapagkat ipinagdiriwang ang ika-79 na kasarinlan ng Angono. Kasabay din ipagdiriwang ang selebrasyon ng kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon na siyang lumagda sa Executive Order No. 58 noong Agosto 19, 1938, na nag-aatas na ang Angono ay maging isa nang bayan.
Sa Angono isinilang ang dalawang National Artist na sina Carlos Botong Francisco, sa visual arts; at Maestro Lucio D. San Pedro, sa musika.
Ang pagdiriwang ng ika-79 na kasarinlan ng Angono, na pangungunahan ni Mayor Gerry Calderon, ay may temang “YES sa BUSILAK ng Pagkakaisa ng mga Higanteng Mamamayan ng Angono”. Tampok sa pagdiriwang ang isang Misa ng Pasasalamat ngayong umaga sa Saint Clement parish. Ito ay susundan ng parada patungo sa harap ng munisipyo ng Angono at ng isang simple at makahulugang programa. Bahagi ng programa ang pag-aalay ng mga bulaklak sa bantayog ni Pangulong Manuel L. Quezon. Kabilang sa mga mag-aalay ng mga bulaklak ay ang mga kawani sa opisina ni Mayor Gerry Calderon, Sanggunian Bayan, mga opisyal at tauhan ng Angono PNP, Bureau of Fire Protection sa Angono, mga guro at mag-aaral sa public at private school sa Angono, mga business establishment at mga opisyal sa sampung barangay sa Angono. Nakatakda namang maging mga panauhing tagapagsalita sina Rizal Gov. Nini Ynares at Rep. Jack Duavit, ng unang distrito ng Rizal.
Pagsapit ng gabi ay tampok na bahagi ng pagdiriwang ang parangal at pagkakaloob ng Sanggunian Bayan Award na pinakamataas na pagkilala sa napiling mga natatanging mamamayan ng Angono. Ngayong 2017, ang nakatakdang pagkalooban ng Sanggunian Bayan Award ay sina Father Regie Malicdem, para sa Academic Excellence; Michael Blanco, sa Visual Arts; at Atty. Reynante Orceo, sa Public Service.
Bahagi rin ng pagdiriwang ang iba’t ibang gawain tulad ng bloodletting at percussion workshop. Ang mga lecturer ay ang dalawang Japanese percussionist na sina Kento Uchida at Maho Zuzuki. Bahagi rin ng pagdiriwang ang Serenata ng Banda, na kinatatampukan ng Angono Private High School Chamber Orchestra, at photo exhibit tungkol sa Angono.
Sinimulan nitong Agosto 14 at matatapos sa Agosto 25, isang art exhibit din ang idinaos sa Fishermall sa Quezon City.
Bukod sa mga nabanggit na gawain, bahagi rin ng pagdiriwang ang lecture tungkol sa paggawa ng tula, at ang kanilang lecturer ay si G. Richard Gappi.
Ayon sa kasaysayan at kay Giovanni Cecarare, isang manlalakbay na Italyano na nakarating sa ating bansa noong 1696, natuklasan niya na ang mga unang Tagalog na naninirahan sa baybay-dagat at ilog ay sumasamba sa punong BALITE.
Naglibot siya sa mga pook na nasa palibot ng BAI na ngayon ay tinatawag na Laguna de Bay. Pinag-aralang mabuti ang mga naninirahan sa tabi ng ilog at lawa. Natuklasan niya na iniingatan na masugatan o maputol ang anumang bahagi ng puno ng BALITE. Naniniwala sila na ang mga kaluluwa ay naninirahan sa puno ng BALITE. At higit sa lahat, ANG NUNO na isang matandang lalaki na ang paniniwala ng mga nakatatanda ay isa sa 10 datu ng NIAS na naiwan sa bukana ng ilog Pasig sa Laguna de Bay na kung tawagin ay PAROLA. Ang NUNO ay nalalapitan ng mga tao at sa kanya sinasabi ang mga problema sa bayan na hindi kayang bigyan ng solusyon.
Sinasabi naman ng ilan na ang ANGONO ay hango sa salitang ANG NUNO na ang ibig sabihin ay “grand old man”. Ayon naman sa ilang kuwentong pasalin-salin, ang ANGONO ay nagmula sa salitang ANGGO na amoy ng panis na gatas ng baka. Sa ngayon, dalawa ang bigkas sa pangalan ng bayan ng Angono. May bumibigkas ng ANGUNO (na mula sa ANG NUNO) at ANGONO (na mula naman sa ANGGO).