Ni LITO T. MAÑAGO
TUWANG-TUWA ang newbie filmmaker na si Miguel Franco “Mico” Michelena nang mapabilang ang Triptiko as one of the 12 films na napili sa kauna-unahang Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP).
“Nu’ng nalaman ko ito, I really wanted to join kasi ‘yung dream ko talaga was a nationwide release,” simulang kuwento ni Direk Mico.
“I made this movie for the Filipino audience talaga. So ‘yun ‘yung dream. Nu’ng nagkaroon ng opportunity, sobrang dinasalan ko talaga na I’ll get in kasi first time na magkakaroon ng nationwide release for an independent film sa isang festival at mapapanood ng maraming Filipinos,” pagtatapat niya.
‘Katuwa ang reaksiyon ng direktor nang malamang pasok ang obra niya sa on-going festival na inorganisa ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), headed by its Chairman Liza Diño-Seguerra.
“Grabe! Nagsisigaw ako. Humiga ako sa office namin and ‘Yes! Finally!’ Kasi I was getting... medyo nade-depress na ako. I didn’t know what will gonna happen with our movie kasi I haven’t even tried submitting it to festivals abroad kasi gusto ko, for some reasons, maipalabas muna ito sa atin,” kuwento ni Direk Mico.
Ang Triptiko ang kanyang directorial debut and it took them almost two years bago naipalabas sa mga sinehan.
“Ginawa namin ito, actually, we started shooting December 2015 pa natapos kami mga late 2016 kasi problema sa budget, schedules ng mga actor, ganyan. Gusto ko kasi ‘yung perfect talaga. Nu’ng natapos ito, nilakad ko ito for distribution,” pagbabalik-tanaw ng direktor na graduate ng kursong Literature sa De La Salle University at nagtapos naman ng filmmaking sa Marilou Diaz Film Institute.
Why a trilogy for a first movie?
“I think ito ‘yung way para maipakita ko ‘yung possibility ng cinema. Lahat ng gusto ko about cinema, actually, sinubukan kong ipakita rito. Meron ditong action, meron ding comedy, lahat ng magagandang experiences, so, it’s a fun movie talaga. May mga cringe moment, may love story. Andito nang lahat,” lahad ng 29-year old filmmaker.
Nabigyan ng Grade A ng Cinema Evaluation Board (CEB) ang Triptiko na prodyus ng Michelena Brothers at pinagbibidahan nina Joseph Marco, Kean Cipriano, Albie Casiño, at Kylie Padilla.
Nu’ng una, may agam-agam si Direk Mico kung makakukuha siya ng malalaking artista for his first film.
“Kasi first movie nga so, hindi ko alam kung makakukuha ako ng sikat na artista. So nu’ng nakakuha ako ng sikat na artista, ang dali.
“It was easier than working with non-professionals kasi I have been working with them sa mga short film, mga non-professional actor. Okay din ‘yung mga non-professionals pero with them it was so easy.
“Ang ganda ng collaboration. Ang gagaling lang talaga. ‘Yung mga input nila sa scenes, hindi basta-basta, eh,” paliwanag ni Direk Mico.