Nina ROMMEL P. TABBAD at CHARINA CLARISSE L. ECHALUCE

Nagpositibo sa bird flu virus ang dalawang poultry farm sa Nueva Ecija.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel “Manny” Piñol, sinabing ang isa sa apektadong farm ay matatagpuan sa bayan ng Jaen, habang ang isa naman ay sa bayan ng San Isidro.

“Ito pong official confirmation is a result of a series of laboratory tests conducted following the receipt of earlier reports from the farmers themselves and the officials of Nueva Ecija,” sabi ni Piñol.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon sa kalihim, nagpatupad na ang DA ng isang-kilometrong quarantine radius sa mga nabanggit na lugar.

Aniya, idineklara na rin ng DA na ground zero ang dalawang farm, na ang isa ay quail farm.

Ubos na, aniya, ang pugo sa farm, na na-contain na rin umano ng ahensya.

Nakapagtala ng bird flu virus sa Nueva Ecija isang linggo makaraang tamaan ng virus ang ilang poultry farm sa Barangay San Agustin sa San Luis, Pampanga.

Ang Nueva Ecija ay may layong 122.7 kilometro sa Pampanga.

Paliwanag ni Piñol, ang naturang virus ay katulad ng kaso sa San Luis, na Type A subtype H5.

Nilinaw naman ng kalihim na aalamin pa ng DA ang N strain ng virus, at isinumite na nila ang specimen sa Australia.

“Well as usual as in the previous case, 'yun pong andoon sa Nueva Ecija would still be the same strain as in San Luis, H5. Hindi pa po natin ma-determine 'yung N, 'yung N strain, pero type H5. Malalaman po natin 'yung resulta ng test sa Australia within a week,” sabi ni Piñol.

Kaugnay nito, magpapadala na rin ng isang grupo ng mga eksperto mula sa Department of Health (DoH) sa Nueva Ecija upang magsagawa ng monitoring sa posibleng outbreak.

“The Department of Health was given the information that poultry farms in Jaen and San Isidro in Nueva Ecija has an ongoing bird flu outbreak…. Secretary of Health (Paulyn Jean Ubial) was already informed of the situation ahead of the official announcement by the Department of Agriculture,” sinabi ni Health Spokesperson Eric Tayag sa isang ambush interview.