Ni: Bella Gamotea
Patay ang dalawang lalaki na kapwa umano sangkot sa ilegal na droga makaraang pagbabarilin ng armado habang nakikipag-inuman sa Makati City, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot sina Elexander Laña y Villanueva, 38, ng Recarte at M.H. Del Pilar Street, Barangay Rizal, Makati City at Cecilo Natividad y Lorica, 31, ng Block 63, Lot 34, Gladiola St., Bgy. Rizal ng nasabing lungsod.
Patuloy na inaalam ng Makati City Police ang pagkakakilanlan ng apat na armado na pawang nakasuot ng helmet at sakay sa dalawang motorsiklong walang plaka.
Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang pamamaril sa tapat ng bahay ni Natividad.
Una rito, nakikipag-inuman ang dalawang biktima sa ilan nilang kaibigan nang sumulpot ang mga suspek at pinagtulungang barilin sina Laña at Natividad.
Narekober sa pinangyarihan ang apat na basyo ng .9mm, isang basyo ng caliber .45 at isang bala na hindi batid na kalibre ng baril, at isang metal jacket.