NI: Chito Chavez

Nakahanap ng bagong mapagkakakitaan ang mga driver ng sinuspindeng transport network company (TNC) na Uber matapos silang payagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tanggapin ng mga kapwa TNC na Grab at ng UHOP sa loob ng suspension period.

Matapos suspindehin ang Uber nitong Agosto 14, nangamba ang transport network vehicle service (TNVS) partners nito na hindi na nila mabayaran ang mga utang para lamang makuha ang sasakyan na ginamit sa transport booking system.

Gayundin, binatikos ng mga commuter ang LTFRB at sinabing matinding perhuwisyo sa kanila ang nasabing suspensiyon, at binigyang-diin ang umano’y kabiguan ng pamahalaan na magkaloob ng ligtas at mabilis na pampublikong transportasyon.

Metro

Lalaking bugbog-sarado matapos gahasain ang 4-anyos na bata, arestado!

Sa resolution No. 19 series of 2017 ng LTFRB, inilabas ng board ang direktiba sa kahilingan na rin ng publiko, para sa kapakanan ng mga commuter at ng Uber drivers, ngunit may mga kondisyon.

Kinakailangang maipakita ng mga Uber driver ang patunay ng kanilang Uber accreditation at ng kanilang insurance coverage bilang TNVS.

Inoobliga rin ng LTFRB ang Grab at ang UHOP na i-email ang listahan ng kanilang TNVS.

Kasabay nito, pinatitigil naman ng LTFRB ang Arcade City, isa pang TNC, sa ilegal na operasyon nito.

Sa isang advisory, sinabi ng board na ang Arcade City “has not coordinated with the LTFRB and, as such, cannot operate.”