Ni: Joseph Jubelag

ISULAN, Sultan Kudarat - Nagbigay ng P400,000 pabuya ang mga lokal na opisyal para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon tungkol sa pumatay sa isang lokal na diyarista sa President Quirino, Sultan Kudarat, kamakailan.

Sinabi ni Sultan Kudarat Gov. Pax Mangudadatu na naglaan ang pamahalaang panglalawigan ng P300,000 bilang pabuya sa sinumang makatutukoy sa mga suspek sa pagpatay kay Leodoro Diaz, Balita correspondent at reporter-kolumnista ng local tabloid na Sapol News Bulletin, na binaril ng hindi nakilalang riding-in-tandem sa Barangay Kalanawi, President Quirino nitong Agosto 7.

Nangako si Mangudadatu na bibigyang hustisya ang pamilya ni Diaz.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Magbibigay naman ng P100,000 pabuya si President Quirino Mayor Azel Mangudadatu para sa sinumang makapagtuturo sa mga suspek.

Nauna rito, hinimok ni Undersecretary Joel Egco, ng Presidential Task Force on Media Security, ang lokal na pulisya na paigtingin ang imbestigasyon sa kaso.

Hiniling naman ni Rose, asawa ni Diaz, kay Egco na paimbestigahan ang kaso sa National Bureau of Investigation at sa Criminal Investigation and Detection Group.