Ni: Dave M. Veridiano, E.E.

MARAMING nagsasabi na ang aksidenteng naganap sa Mindanao Avenue sa Quezon City nito lamang Martes ng hapon ay maituturing na milagro ang pagkakaligtas ng apat sa limang miyembro ng pamilya na sakay sa isang bagong kotse na halos napitpit ng dambuhalang cement mixer na dumagan dito.

Para ko nang nakikinita ang bilis ng nakadisgrasyang cement mixer ay katulad din ng mga humahagibis na truck ng semento na madalas kong makasabay sa lugar ding ito sa Mindanao Avenue – kapag sinisigawan ko ang mga drayber nito sa pagiging reckless, ang ganting sigaw palagi nila sa akin ay “pagbigyan mo na kami baka tumigas ang kargamento naming bagong halong semento!”

Sa tingin pa lamang at usap-usapan ng mga taong nasa paligid at nakikiusyoso sa rescue operation na isinasagawa ng mga taga-Metro Manila Development Authority (MMDA) at mga boluntaryong tumulong sa aksidente na mga taga-Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) – milagro na maituturing na may nakaligtas sa limang sakay ng Honda Brio na parang tansan ng softdrinks na nayupi sa cement mixer na kargado ng tone-toneladang semento.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ngunit habang isa-isa nang inilalabas ang mga sakay ng Honda Brio, na ang dalawa sa mga ito ay paslit, nagpalakpakan ang ‘di makapaniwalang mga miron sa paligid na halos sabay-sabay sa pagsasabing – “milagro” at “praise God” – na may kasabay pang malakas na palakpak at hiyawan na tanda ng kanilang kasiyahang buhay pa ang mga nadisgrasya.

Sa limang sakay ng Honda Brio, isa ang idineklarang patay sa ospital, limang oras matapos ang aksidente. Siya ay si Ulysses Ramos, 34, ang driver at ama ng pamilyang sakay ng kotse. Patuloy namang nagpapagaling ang kanyang misis na si Marife, 35; at ang tatlo nilang anak na sina Eulaiza, 12; Eugene, 8; at Enrico, 4.

Marahil kung hindi naging maagap ang mga taga-BJMP at ang mga operatiba ng MMDA, mas maraming buhay ang naputi…

SALUDO ang IMBESTIGADaVe sa mga katulad ninyong taong gobyerno na ‘di tutulug-tulog sa sinumpaang tungkulin para sa bayan -- MABUHAY kayo!

‘Di makatkat sa aking isipan ang paghangang narinig ko mula sa dalawa kong kaibigang mechanical engineer na nadaanan at nakiusyoso sa aksidente – papuri hindi para sa mga rumespondeng BJMP at MMDA, bagkus sa nagdisenyo ng Honda Brio na bagamat maituturing na isang “compact car” ay ‘di basta-basta bumigay sa tone-toneladang bigat ng nakadagang cement mixer kaya nagkaroon pa ng pagkakataong makaligtas ang iba pang sakay nito.

Maaari na raw nilang ipagkatiwala ang buhay ng kanilang pamilya sa kotseng ito na kahit maliit ay matatag at siguradong kayang ipaglaban ang buhay ng mga nakasakay dito.

Kuwento nila, sa ibang aksidente na kanilang nasaksihan tulad nito ay ‘di ... na makilala ang mga pasaherong naipit sa loob ng sasakyan dahil sa lambot ng mga frame nito – ‘di gaya ng ipinakitang tibay at tatag ng mga frame ng Honda Brio.

Kitang-kita na ‘di bumigay at buong tikas na tumukod ang mga frame at mga upuan ng napitpit na kotse – PALAKPAKAN naman diyan para sa Honda Brio… Naisip ko tuloy, kapag nakaipon ako ng pera ito agad ang bibilhin kong kotse dahil subok na ang tatag!-- Oh ‘di ba, Aris Ilagan alyas “Boy Commute”, tama ang choice ko?

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]