Ni: Bella Gamotea

Aabot sa P2 milyon halaga ng hinihinalang shabu, mga bala at replica ng baril ang nakumpiska mula sa apat na magkakamag-anak sa buy-bust operation sa Taguig City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director, Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. ang mga suspek na sina Ibrahim Salba, 23; D’non Abas Kadatuan, 39; at dalawang menor de edad na 13 at 14, pawang nakatira sa Road 15, Maguindanao Street, New Lower Bicutan, Taguig City.

Sa ulat na ipinarating sa SPD, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 2 at Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni Sr. Insp. Jonathan Arribe ng Taguig City Police, sa Road 15, Maguindanao St., New Lower Bicutan, bandang 4:00 ng hapon.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Isang pulis ang nagpanggap na buyer ng shabu, sa halagang P5,000, at tuluyang inaresto ang mga suspek.

Narekober sa magkakamag-anak ang walong magkakaibang laki ng pakete ng hinihinalang shabu, na may bigat na 1.25 kilo; isang rifle replica; dalawang magazine ng M-14 rifle; 60 bala ng M-14 rifle at P5,000 buy-bust money.

Kinasuhan ang apat na suspek ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Law on Firearms and Ammunition habang nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalawang menor de edad.