Nina GENALYN D. KABILING at ROY C. MABASA

Bukas ang gobyerno ng Pilipinas sa joint oil exploration sa alinmang bansa, hindi lamang sa China, sa West Philippine Sea.

Isang araw matapos ipahayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano na handa ang bansa na magkaroon ng joint venture sa China sa mga pinagtatalunang karagatan, sinabi ni Presidential spokesman Ernesto Abella na hindi nililimitahan ng gobyerno ang “exclusive economic relationships” nito.

“The President is open to possible cooperation with foreign entities in exploring and extracting mineral and gas resources in the West Philippine Sea,” anang Abella. “We are open to broader options for partnerships.”

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Nilinaw ni Abella na ang anumang joint exploration ay kailangang naaayon sa Philippine Constitution at para sa kapakinabangan ng mamamayang Pilipino.

“We will not give up an inch of our territory, and that any deal should have better terms favoring the Philippines,” paniniyak ni Abella.

‘NOT FOR PUBLICATION’

Samantala, sinabi ng DFA na walang dahilan para ianunsiyo o isapubliko ang anumang diplomatic action na ginagawa nito para matugunan ang isang mahalagang isyu, gaya ng pagtutol sa anumang aktibidad ng mga Chinese sa pinagtatalunang bahagi ng South China Sea/West Philippine Sea.

Para sa DFA, sapat nang dahilan ang pagiging sensitibio ng usapin para huwag nang ibandila kung paano inaasikaso ang usapin.

“Our diplomatic representations are not necessarily for publication because of the sensitivity of the issue,” sabi ni DFA Spokesperson Rob Bolivar. “Same goes with any other diplomatic representation on any foreign policy issue with any country in the world.”

Binigyang diin ito ng DFA matapos ulanin ng batikos si Cayetano sa pahayag nito kamakailan na walang anumang kahulugan ang presensiya ng mga barkong Chinese malapit sa Pag-asa Island.

Kahit pinamamahalaan ng Pilipinas, bilang bahagi ng Kalayaan Group of Islands (KGI), ang Pag-asa Island ay inaangkin din ng China, Taiwan at Vietnam.

Depensa ng DFA, si Cayetano “did not in any way, shape, or form say we do not or will not bring these up with the Chinese side whenever there are confirmed and official reports of such incidents.”