Ni: Ric Valmonte
INAMIN na ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya masusugpo ang ilegal na droga sa loob ng kanyang termino. Kaya, asahan na ng mamamayan na patuloy ang droga at pagpatay habang siya ang pangulo. Napaniwala niya ang taumbayan noong panahon ng kampanya na magagapi niya ang krimen at droga sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan.
Sa pagdaan ng panahong kanyang itinakda, humingi siya ng palugit.
Ngunit, hindi naman siya naglubay sa pakikidigma sa ilegal na droga na kanyang sinimulan ng manungkulan. Halos araw-araw ay may napapatay at parami nang parami ang mga ito sa paglipas ng mga araw. Katunayan, banner headline ng isang pahayagan ang ulat na 21 drug suspect ang napatay sa loob ng siyam na oras sa magkakahiwalay na operasyon sa Bulacan nito lamang Martes. “Normal lang ito,” ayon kay PNP Spokesperson Dionardo Carlos, “dahil bunga ito ng maraming operasyon.”
Noong una, pinaniwala ni Pangulong Digong ang sambayanan na sa karagatan pinalulusot ng mga drug trafficker ang ilegal na droga. Aniya, inihuhulog nila ang shabu sa baybay-dagat ng bansa at dito kinukuha ng kanilang mga kasapakat. Kaya umano may kahirapan na masawata ang droga. Pero, hindi na sa ganitong paraan naii-smuggle ang shabu sa bansa. Ang P6.4-bilyong shabu na nasamsam sa isang warehouse sa Valenzuela City ay mismong sa Bureau of Custom (BoC) pumasok. Sa laki ng halaga ng shipment ay nalula ang mga mambabatas kaya nagsagawa sila ng imbestigasyon.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ni Senador Richard Gordon nitong nakaraang Martes, bukod sa P6.4-bilyong shabu, inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng National Bureau of Investigation (NBI) na may mas malaki pang shabu shipment na nasamsam sa San Juan noong Disyembre ng nakaraang taon. Anila, naipuslit ito sa BoC.
Inaalam ngayon ng NBI kung ang nahanap nilang pake-paketeng shabu sa inabandonang town house sa Sampaloc, Maynila ay kasama ng P6.4 bilyong shabu na natunton sa Valenzuela City.
Sa pagtatanong ni Sen. Trillanes, inamin ni BoC Commissioner Faeldon na may kurapsiyon sa kanyang ahensiya.
Nagbibigay ng tara ang mga brokers sa mga opisyal at empleyado ng BoC sa bawat shipment na lumalabas dito. Ang P6.4-bilyong... shabu ay maluwag na nailabas sa BoC dahil nilagay ito sa green at express lane sa tulong ng tara. Dapat makonsensiya na ang mga pulis na ang kanilang mga napatay at pinapatay ay nakikiamot lang sa napakalaking kinikita ng mga drug trafficker at kasabwat nilang ginagamit ang kapangyarihan ng gobyerno para sila ang magkamal ng salapi.
Mahirap malunasan ang problema sa droga kung hindi ito inuugat. Ang dengue ay nilulunasan hindi sa pagpatay ng mga lamok, kundi sa pagpuksa ng kanilang pinamumugaran. Dapat ay itigil muna ang pagpatay at barahan ang pinagpasukan ng droga sa bansa na pinangungunahan ng BoC.