Ni REGGEE BONOAN

HINDI namin alam kung anong kuwentuhan ang pakikinggan sa umpukan ng mga katoto at ilang mga kaibigan dahil iba-iba ang topic.

Sa grupo ng mga katoto, pinag-uusapan ang mga pelikulang kasama sa Pista ng Pelikulang Pilipino na napanood na nila at kung alin sa tingin nila ang magiging box-office hit at ang tatlong araw lang ang itatagal sa mga sinehan o first-day, last day.

Untitled-1 copy

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Hot topic naman ng mga kaibigang kasama sa mesa ang FPJ’s Ang Probinsyano at ang bagong programang itinapat na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes na Alyas Robinhood 2.

Nagkakatawanan ang mga kaibigang kasama sa umpukan dahil sinayang daw ng GMA-7 ang pilot episode ng Robinhood na maayos naman, pero paano raw nila matatalo sa ratings game ang programa ni Coco Martin na dalawang taon nang umeere at ang tumatakbong kuwento ay ang pagmamanman nito sa mga rebeldeng Pulang Araw.

Siyempre, karamihan ng mga nanonood ay gusto ‘yung bakbakan at para malaman kung sino ang nasa likod ng mga rebelde na sa paniniwalang tunay na nangyayari ito sa gobyerno na may mga opisyales na sumusuporta sa mga kaaway.

Inaabangan din sa kuwento ang hindi mahinto-hintong pasugalan sa lugar nina Yassi Pressman at Ms. Susan Roces kasi pala may basbas ng mismong Barangay Chairman na si Mitch Valdez.

Established na raw ang kuwento ng FPJ’s Ang Probinsyano kaya ni hindi natinag sa naitalang 39.8% samantalang nakakuha naman ng 18.9% ang Robin Hood (data nitong nakaraang Lunes).

At dahil malaki ang lamang ng FPJAP sa Kantar Media ay naniniwala kaming talo rin ang Alyas Robin Hood sa AGB ratings na pinagkukunan ng GMA-7.

Naaliw kami sa mga nabasa naming post na, “Ha???? May bird flu sa ‘Pinas kaya mababa ang rating ng Mulawin vs Ravena????”

May konek naman dahil sumuko na sila sa isang bala ni Cardo Dalisay.