Ni: Joseph Jubelag

TACURONG CITY, Sultan Kudarat – Tiniyak ng Presidential Task Force on Media Security sa pamilya ng napatay na Balita correspondent na si Leo P. Diaz na papanagutin ang mga salarin sa pagpatay sa mamamahayag.

Sinabi ni Undersecretary Joel Egco, task force executive director, na nakipag-usap na siya sa President Quirino Police upang mapabilis ang imbestigasyon sa pagpatay kay Diaz, 60, Balita correspondent at kolumnista ng lokal na pahayagang Sapol News Bulletin, na binaril ng riding-in-tandem habang sakay sa motorsiklo sa President Quirino nitong Agosto 7.

Dumalo si Egco sa libing ni Diaz nitong Miyerkules, na inihimlay sa isang pribadong farm sa Barangay Katiko, President Quirino.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hiniling naman ng maybahay ni Diaz, si Rose, kay Egco na igiit sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang pagsasagawa ng masusing pagsisiyasat kaugnay ng pamamaslang sa kanyang asawa.

Ayon sa ilang kaanak ni Diaz, ilang maiimpluwensiyang tao sa kanilang lugar ang pinaniniwalaan nilang nasa likod ng pamamaslang sa mamamahayag.

Sinabi pa nila na ilang beses nang nakatanggap ng death threat si Diaz bago ito pinatay.

Hiniling naman ni Egco sa sinumang nakasaksi sa insidente na lumantad at makipagtulungan sa imbestigasyon.

“I assure any material witnesses in the case that they will be given protection,” Egco said.