Ni: Bella Gamotea
Kalaboso sa pagwawala ang isang Koreano nang matalo sa casino sa Parañaque City, kamakalawa ng gabi.
Nasa kustodiya ng Parañaque City Police si Seounghun Park, 36, nanunuluyan sa isang condominium unit sa Barangay Tambo ng nasabing lungsod.
Base sa inisyal na ulat, lasing na nagtungo si Park sa Solaire Resort and Casino sa Parañaque City.
Naglaro umano nang naglaro ang Koreano hanggang sa natalo na lalong nagpainit sa ulo ng dayuhan na humantong sa pagwawala sa loob ng casino.
Tinangkang awatin si Park ngunit sinindihan lamang niya ang kanyang sigarilyo at inihagis umano sa mga empleyado ng establisyemento.
Dahil dito, napilitan ang mga guwardiya na arestuhin at bitbitin ang dayuhan patungong presinto.
Posibleng kasuhan si Park ng malicious mischief, alarm and scandal at slander by deed.