NAPATUNAYAN sa pagkakaloob ng gobyerno ng Wi-Fi Internet sa buong bansa ang malaking pagpapahalaga nito sa papel ng Internet sa buhay ng mga Pilipino. Kabilang sa mga buong pagmamalaking inihayag ni Pangulong Duterte sa kanyang State-of-the-Nation Address nitong Hulyo 24 ay ang pagtatayo ng pamahalaan ng nasa 400 pampublikong “hotspots” sa bansa kung saan maaaring kumonekta ang mga Pilipino para sa Internet.
Ngayong taon, inihayag ng Department of Information and Communication Technology na mamumuhunan ito ng R2.9 billion upang magbukas ng mas maraming lokasyon sa mga munisipyo, eskuwelahan, at health center. Sa susunod na taon, gagastos ito ng karagdagang R1.2 bilyon para sa National Broadband Plan.
Gayunman, marami pang dapat gawin ang Pilipinas sa larangan ng serbisyo sa Internet at malaking dahilan dito ang red tape sa mga ahensiya ng gobyerno sa aspeto ng pamumuhunan, lokal man o sa pandaigdigan, na magpapasulong sana sa serbisyo ng Internet sa bansa.
Sa ngayon, nasa ika-100 puwesto ang Pilipinas sa mga bansang may Internet services, sa average transmission speed na 5.5 megabits per second (mbps). Malayo kung ikukumpara sa 28.6 mbps ng South Korea, na nangunguna sa listahan.
Ang hakbangin ng Alibaba Group na mamuhunan sa financial technology subsidiary na Mynt ng Globe Telecom ay hinarang ng Philippine Competitive Commission (PCC), na bumubusisi sa lahat ng pamumuhunang nagkakahalaga ng P1 bilyon upang matiyak na patas ang kumpetisyon para sa lahat, anito.
May isang taon na ang nakalipas, iginiit ng PCC ang awtoridad nito sa pagkakabili ng Philippine Long Distance Telephone Co. at Globe Telecom ng 700-megaherz frequency mula sa San Miguel Corp. na makatutulong upang mapabuti ng dalawang pangunahing Internet provider ang serbisyo ng mga ito. Bigo ang PCC sa kaso nito sa Court of Appeals at kaagad na idinulog sa Korte Suprema ang usapin, kung saan nililitis pa rin ito.
Ang problema rin sa red tape ang nakapipigil sa pagtatayo ng mga relay tower na kailangang aprubahan muna ng mga lokal na pamahalaan. Nasa 25 permit ang kinakailangan sa bawat isang cell site, hindi lamang mula sa mga lokal na pamahalaan kundi mula sa barangay, subdibisyon, at homeowners association, at aabutin ng ilang buwan ang prosesong ito. Ito ang dahilan kaya mayroon lamang 16,300 tower sa Pilipinas, kumpara sa 70,000 ng Vietnam.
Maraming paraan upang mapadali ng gobyerno ang mga prosesong nag-aantala sa pagpapabuti ng serbisyo ng Internet sa bansa ngayon. Batid nating napakaraming problema ang kinahaharap ng bansa sa ngayon — ilegal na droga, kriminalidad, kurapsiyon, terorismo, rebelyon, at iba pa — subalit maigting din ang pangangailangan para sa mga pangunaning programang pang-ekonomiya at mga reporma, kabilang sa mga ito ang pinahusay na serbisyo ng Internet na nag-uugnay sa atin sa ating kapwa at sa buong mundo.