Nina FER TABOY at AARON RECUENCO, May ulat ni Genalyn D. Kabiling

Kinumpirma kahapon ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO) na umabot na sa 32 katao ang unang napaulat na 21 drug suspect na napatay sa serye ng anti-drug operation ng pulisya sa nakalipas na 72 oras sa lalawigan.

Nagpahayag naman ng kahandaan si BPPO director Senior Supt. Romeo Caramat na ipaliwanag kung bakit umabot sa ganoong bilang—ang pinakamaraming napatay sa operasyon ng pulisya kontra droga simula nang ilunsad ang drug war noong Hulyo—ang nasawi sa dalawang-araw na anti-drug operation.

Aniya, mayroon ding 107 sangkot umano sa droga ang naaresto sa 66 na operasyon ng pulisya, 25 sa mga ito ay nauwi sa engkuwentro dahil sa panlalaban umano ng mga suspek, kaya nagresulta sa pagkasawi ng 32.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“Every time we are conducting operations, I believe in the legality in our operations and I believe our police operatives are strictly following the police operations procedures, but of course observance of human right of the victims,” sabi ni Caramat. “On our part we know that we have done nothing wrong but of course there are some sectors that will not believe us but we are open for any investigation.”

Ayon kay Caramat, nadagdag sa listahan ng pulisya ang pagkakapatay sa tatlo pang drug suspect sa Malolos, sa pagpapatupad ng search warrant.

Batay sa police report, napatay sina Victoria dela Cruz at Alvin Marquez makaraan umanong manlaban sa mga pulis sa Barangay Atlag, Malolos.

Napatay din ng pulisya ang isang alyas “Quintin” sa buy-bust sa Bgy. Look 2, Malolos.

Kaugnay nito, inihayag kahapon ng Malacañang na magsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) sa insidente.

“Arresting officers claimed they were met with armed resistance while conducting said enforcement operations,” sabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella. “PNP Spokesperson Dionardo Carlos said that as a matter of procedure, PNP Internal Affairs Service will investigate these simultaneous anti-drug raids.”