Ni NORA CALDERON
MAY mga pasabog si Marian Rivera sa launching ng tatlong bagong variants ng ini-endorse niyang Hana Shampoo from Japan, ang Spring Flowers & Apples Scent, Garden Blooms & Lychees Scent at ang pinakagusto niya sa tatlong variants na Pink Roses & Berries Scent.
“Mahilig kasi ako sa mga flowers, kaya siya ang paborito ko,” nakangiting kuwento ni Marian. “At gustung-gusto rin ng asawa ko, iba kasi ang scent niya. At masaya ako dahil for three years, hindi ako kinalimutan ng Hana, na dalaga pa ako ay ako na ang endorser nila hanggang sa ngayon na may Baby Zia na ako. Kaya thankful ako sa kanila.”
Kinumpirma sa sagot ng taga-Hana na hindi talaga nila kinakalimutan si Marian dahil very effective itong endorser, bukod pa sa napaka-cooperative as their product ambassador at swak sa mga Pilipino ang ini-endorse niya. Kaya may advice ding ibinigay si Marian, sa mga gumagamit ng kanyang shampoo.
“Bukod sa magandang hair, at beautiful skin ng isang babae, dapat ay maganda rin ang attitude mo sa ibang tao. Kung meron ka noon, ikaw na ang pinakamaganda.”
Dahil natapat na may taping uli ang kanyang hubby ng Alyas Robin Hood 2, muling kasama ni Marian si Zia, na nakuha raw sa kanya ang sobrang pagiging malambing.
“Nata-touch ako kapag dumating ako sa bahay mula sa maghapong work, parang nararamdaman niya na pagod ako, sasabihin niya, ‘Mama, love’ at yayakapin niya ako ng mahigpit. Isa pang paglalambing niya, dahil bini-breastfeed ko pa rin siya, kapag dumating ako, kahit busog siya, minsan sasabihin niya, ‘Mama, dede’.”
Kaya si Marian na ang nagsabi sa GMA Network management at sa kanyang Triple A talent agency na pagkatapos ng ginagawa niyang teleseryeng Super Ma’am, na gusto na niyang sundan si Zia.
“Pangarap kasi namin ni Dong ang five children, kaya kailangang paghandaan na namin ‘yon, hindi na ako bumabata, 33 na ako noong birthday ko, kaya parang dapat magawa na namin ang four babies pa. Six nga ang gusto namin, pero baka hindi na kayanin. Pero kung ipagkakaloob ni Lord, bakit hindi? At kung ano ang ibinigay kong pag-aalaga kay Zia, ibibigay kong lahat iyon sa mga magiging kapatid niya. Kahit kasi si Zia, humihingi na rin ng baby brother.”
Nagpasalamat din si Marian sa mga sumusubaybay ng kanyang documentary anthology on OFWs na Tadhana, na ngayon ay nasa second season na. Thankful din siya sa lahat ng mga kasama niya sa Sunday Pinasaya na nagbigay ng memorable birthday celebration niya last August 13, at special guest niya si Dong.
May mga nagtanong pa rin kay Marian tungkol sa selos issues, pero ayaw na niya itong palakihin.
“No, definitely hindi ako nagseselos, masama ba kung dumalaw kami ni Zia sa taping ni Dong para dalhan siya ng pagkain at para makita rin niya si Zia? Wala kaming problema ni Dong, na ano pa ba ang mahihiling ko sa aking asawa?
Bukod sa mabait na, nagtitiwala ako sa kanya. Alam kong kami lamang ni Zia ang mahal niya,” klarong pahayag ng lalo pang gumagandang aktres.
