Ni: PNA
TARGET ng gobyerno na permanente nang isara sa Disyembre, ngayong taon, ang tambakan ng basura sa Barangay Payatas sa Quezon City.
“That target remains so (the) Quezon City government must already commence, as soon as possible, closure and rehabilitation activities in Payatas,” lahad ni Eligio Ildefonso, executive director ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC), ang ahensiyang inatasang magpatupad ng Republic Act 9003, o ang Ecological Solid Waste Management Act.
Aniya, kailangan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na simulan na ang aktibidad sa susunod na buwan, o mas maaga, upang makumpleto na ng pamahalaang lungsod bago tuluyan at permanente nang isara ang Payatas sa Disyembre.
Maaaring simulan ang mga hakbangin makaraang aprubahan ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB) ang pagsasara sa tambakan at planong rehabilitasyon ng Quezon City sa Payatas, ayon kay Ildefonso.
“Such plan must specify Quezon City government’s target land use for Payatas and activities for achieving this,” aniya.
Dagdag pa niya, kailangang matukoy sa plano ang lupang pagtatayuan ng mga gusali dahil hindi maaaring tirikan ng mga gusali ang mga basurang nakatambak sa Payatas.
“Garbage is unstable,” saad niya.
Sinabi ni Ildefonso na hinihintay pa rin ng NSWMC ang plano, na dapat ay nitong nakaraang linggo pa naisumite, nang matulungan ng komisyon ang EMB sa ebalwasyon ng plano.
Magsasangguni rin ang NSWMC ng ilang bagay na mas magpapatibay sa plano.
Kung hindi makapagsusumite ang Quezon City ng plano, ayon kay Ildefonso, ang EMB na ang magpapasara sa Payatas at magpapatupad ng mga aktibidad para sa rehabilitasyon ng tambakan.
Aniya, dapat na isagawa na ng pamahalaang lungsod ang ganitong mga aktibidad.
“Quezon City will bear cost of undertaking such activities,” aniya.