SA loob ng maraming taon, tumuklas na ang Eat Bulaga ng ilan sa pinakamalalaking pangalan sa show business. Ang programa ay nakapaglunsad na ng daan-daang artista na patuloy na nagbibigay saya at ligaya sa milyun-milyong Pilipino.
Isa sa pinakakilalang naging produkto ng programa ang dating child star na si Aiza Seguerra na tatlong taong gulang pa lamang nang sumali sa “Little Miss Philippines” noong 1987. Kahit hindi pinalad na manalo sa nasabing patimpalak, naging bahagi pa rin siya ng show.
“Sila ang pundasyon ko,” sabi ni Seguerra nang magbalik-tanaw sa kanyang mga unang taon sa showbiz. Aniya, halos isang dekada niyang naging pangalawang tahanan ang programa.
Bago pa man din niya inilunsad ang kanyang solo music career, naging parte rin si Aiza ng Enteng Kabisote ni Vic Sotto.
Naging daan din ang Eat, Bulaga sa pagtupad ng kanyang adhikain na makapagbigay saya at inspirasyon sa manonood sa pamamagitan ng kanyang musika. Aminado si Aiza na utang niya sa programa ang kanyang karera.
“Kung ano ako ngayon, kung paano ako magtrabaho, malaking bagay ang Eat Bulaga doon. Ang programa ay mananatiling isang espesyal na lugar para sa akin.”
Eat Bulaga rin ang naka-discover sa dancer-turned-actress na si Rochelle Pangilinan na nagsimula bilang regular dancer ng show noong 1997. Makalipas ang ilang taon, binuo ang Sexbomb Girls. Kalaunan, hindi lamang sa Eat Bulaga lumabas ang grupo kundi nagkaroon din ng sariling programa sa GMA-7, ang Daisy Siete.
Pagkaraan ng mahigit 15 taon, nagdesisyon si Pangilinan na pasukin ang mundo ng pag-arte.
“Sila ang dahilan bakit ako nakaahon sa buhay. Binigyan nila ako ng oportunidad na hindi ko ini-expect. Tinuruan nila ako na dapat maging professional ka sa trabaho, dapat alam mo ‘yung ginagawa mo. Hindi nila ‘tinuturing na trabaho ang programa. Pamilya ang turingan sa isa’t isa. Mararamdaman mo na kasama ka, na isa ka sa kanila. Mararamdaman mo na may pamilya ka,” kuwento ni Rochelle.
Patuloy pa rin sa paghasa sa mga bagong artista ang EB. Bukod kina Ryzza Mae Dizon at Sebastian Benedict o Baeby Baste, parte rin ng show si Maine Mendoza, ang isa sa pinakamaningning na artista ng kanyang henerasyon.
Kasama nila sa mga bagong discovery sina Kenneth Medrano, Miggy Tolentino, Kim Last, Tommy Penaflor, John Timmons at Joel Palencia ng male group na mas kilala bilang That’s My Bae.
Ayon kay Jeny Ferre, creative head ng programa, isang napakalaking karangalan na maging parte ang Eat Bulaga sa paghubog ng talents na ito.
“You feel proud because you see them from before na punung-puno ng pangarap. Then now, nakikita mo na sila sa teleserye. Kung sila may pangarap, mas mataas ‘yung pangarap namin para sa kanila. At masaya kaming nakikita na natutupad nila ‘yung mga pangarap na ‘yun,” wika ni Jenny.
Naniniwala siya na naging epektibo ang Eat Bulaga sa paglikha ng mga bagong artista dahil na din sa ibinibigay nilang first hand experience sa hosting at gabay sa pagbibigay-saya sa manonood.
“Tinitingnan namin ang kanilang mga kakayahan at kami ay mag pu-focus doon. Hinahayaan namin ang bata na gawin ang gusto nila. Kung nais ni Ryzza na sumayaw, hahayaan namin siyang gawin ‘yun.”
Tungkol sa unprecedented success ni Maine, ayon kay Ferre ay alam niya na may espesyal sa dalaga simula pa nang maging viral sa Internet ang mga dubsmash videos nito, ngunit hindi niya ini-expect na lilikha ito ng malaking ingay sa showbiz.
Dagdag pa niya, ang success ng programa at ng kanilang mga artista ay isang malaking motibasyon na tama ang formula ng Eat Bulaga.
“Kailangan mo lang sumugal. Kung hindi ka susugal, walang mangyayari. Kailangan ilaban mo. We love to invest in people and create new stars because ang daming nangangarap. You just have to give them the opportunity and let them bloom to their full potential,” pagtatapos ni Jenny Fere.
[gallery ids="260539,260537"]