Nina ELLALYN DE VERA-RUIZ at ROMMEL P. TABBAD, May ulat nina Lyka Manalo at Liezle Basa Iñigo

Isinusulong ng Department of Agriculture (DA) ang pagsunog sa 600,000 manok bilang “extreme” measure upang mapigilan ang pagkalat ng bird flu virus sa Pampanga.

Sinabi ni DA Secretary Manny Piñol na ilan sa mga poultry farm ay may lupang “soggy” kaya may posibilidad na makontamina rin ng virus ang lupa kung ibabaon doon ang mga pinatay na hayop.

“While we want to conform with the standards of the Clean Air Act and humane handling of animals, there will be a greater risk of contamination if we bury the chicken in a soggy area,” paliwanag ng kalihim.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“I don’t think (burning) 600,000 fowls will pollute the air. We need to expedite the disposal of these chicken. We beg for (public) understanding,” dagdag ni Piñol.

Suportado naman ng Department of Health (DoH) ang naging desisyon ng DA.

“We have an interagency committee that includes the DA, Department of Health, and Department of Environment and Natural Resources (DENR), and we can always get the expert opinion of DENR or they can give recommendations on the disposal of culled fowls,” sabi ni Health Assistant Secretary Eric Tayag. “The fastest, practical and safest way to dispose it, we will support the DA.”

Gayunman, inamin ni Piñol na hindi pa naaaprubahan ng DENR ang kanilang gagawin.

DEPOPULATION

Sa pulong sa San Luis, Pampanga nitong Martes, sinabi ni Piñol na nagkasundo ang DA at ang mga may-ari ng manukan sa pitong-kilometrong controlled area ng San Luis sa isang “acceptable compromise”.

Ayon kay Piñol, 36 na farm sa nasabing controlled area ang nagboluntaryong mag-depopulate ng kani-kanilang poultry farm sa pagpatay sa 600,000 manok, itik at pugo.

“Although they are not part of the one-kilometer radius contained area whose fowls should be culled, the farm owners believe that subjecting their farms to depopulation process can help contain the virus,” ani Piñol.

Aniya, sinabi ng mga nasabing negosyante na “rather than continuously feeding our chicken but earn nothing and end up losing, we might as well surrender our fowls to the authorities.”

Sinabi naman ng DA chief na nangangailangan ang kagawaran ng P52.8 milyon para mabayaran ang mga direktang apektado ng bird flu outbreak sa San Luis.

Sa ngayon, nasa 73,110 manok, itik, sasabungin at native chicken ang napatay na.

REKLAMO SA BAN

Bantay-sarado naman ng DA-Region 11 ang mga poultry farm sa rehiyon laban sa bird flu, at nagsasagawa na ang kagawaran ng blood sampling sa mga ibon para suriin, ayon kay Danny Apilo, avian influenza coordinator.

Mahigpit pa ring ipinagbabawal ng DA ang pagbibiyahe ng mga itlog at manok, partikular mula sa Luzon patungong Visayas at Mindanao, upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Kaugnay nito, nangangamba naman ang mga poultry farmer sa Batangas sa umiiral na temporary transport ban, sinabing napakahigpit ng pagbibigay ng clearance gayung hindi naman apektado ng outbreak ang lalawigan.

Sa panayam kay Leo Aldueza, director ng Batangas Egg Producers Cooperative (BEPCO), sinabi niyang malaki ang epekto ng ban sa mga poultry farmer sa bayan ng San Jose, ang tinaguriang Egg Basket of the Philippines.

Sa harap naman ng pangamba ng ilang Pangasinense sa avian influenza, kinumpirma ni Dr. Eric Jose Perez, provincial veterinarian, na nananatiling bird flu-free ang Pangasinan.