Ni: Aris Ilagan
HULI man daw at magaling ay maiuulat pa rin.
Noong Pebrero 15, 2017, dakong 6:30 ng umaga, tahimik at masiglang na nagdya-jogging ang aming kasamahan sa trabaho na si Raynand Olarte sa Acacia Estates, Taguig City. Malamig pa ang klima ng mga panahong iyon at masarap mag-ehersisyo sa umaga.
Subalit sa isang iglap, biglang bumulagta si Ray sa kalsada nang mabundol ng isang Toyota Vios (Conduction Sticker No. VO5449) na minamaneho ni Rene Echalas, isang Uber driver.
Lumitaw sa imbestigasyon na nalaglag ang cell phone ni Echalas sa sahig ng kanyang sasakyan at pinilit niyang abutin ang gadget sa kalagitnaan ng kanyang pagmamaneho.
Dahil dito, pumaling ang sasakyan sa gilid ng kalsada kaya nahagip ang pobreng jogger.
Nagtamo ng sugat si Ray sa noo, mga braso at sa iba pang bahagi ng katawan. Nagtamo rin ng fracture ang kanyang buto sa tuhod.
Mahigit isang linggong nagarahe si Ray sa kanyang bahay habang nagpapagaling. At dito na niya tinawagan ang Uber upang alamin kung ano ang magiging pananagutan nito at ng driver na si Echalas.
Pebrero 18, 2017 nang mag-reply sa text message ang isang ‘Ian’ ng Uber Incident Response Team kay Ray. Sa unang tingin, nakabibilib ang sangay na pinagtatrabahuhan ni Ian.
Base sa kanyang text message, nag-abiso si Ian kay Ray na muli itong makikipag-ugnayan sa biktima upang alamin kung ano ang maitutulong ng Uber sa kanya.
Naghintay ng ilang araw si Ray sa tawag ng Uber subalit hanggang sa mamuti ang kanyang mga mata sa kahihintay, walang anumang abiso mula sa naturang transport vehicle network service.
Ilang araw pa ang lumipas at wala pa ring naging tugon ang Uber.
Kaya napilitan na lang na makipag-ugnayan si Ray kay Echalas hinggil sa kanyang mapait na sinapit.
Mabuti pa si Echalas, nag-abot ng tulong kay Ray upang mabawi ang halos dalawang linggo niyang... nawalang kita dahil sa trahedya.
Todo-todo ang paumanhin ni Echalas kay Ray. Habang ang Uber, dedma lang forever.
Ganito ba ang ipinagmamalaki ng Uber na disenteng paglilingkod sa mamamayan? Hanggang ngayon, bulag si Ray kung mayroong accident insurance ang Uber sa pagbiyahe nito.
Ano’ng proteksiyon ang mahihita hindi lamang ng mga pasahero kundi maging ng mga pedestrian na posibleng madamay sa aksidente na kinasasangkutan ng mga Uber unit.
Ito ang iginigiit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ‘tila hindi maintindihan ng mga sosyalero at sosyalera na tumatangkilik sa Uber.
Paano kaya kung kayo ang mahagip ng Uber taxi?