Ni: Bert de Guzman

PATULOY sa bungangaan (word war) sina US Pres. Donald Trump at North Korean leader Kim Jong-un tungkol sa missile threat nito sa Guam. Bunsod ng “word war” ng US at ng Pyongyang, nanginginig sa takot ang iba pang mga bansa sa mundo, partikular ang Guam, na ang malaking bahagi ng populasyon ay Katoliko at maraming Pinoy na naninirahan.

Nagdaos ng Panalangin para sa Kapayapaan (Prayers for Peace) ang mga Katoliko sa pangunguna ni Archbishop Michael Byrnes. Umaapela ang arsobispo na sana’y magkaroon ng katinuan sa pag-iisip ang mga lider ng US at ng North Korea upang maresolba ang hidwaan at pagkakaiba ng paniniwala. Nagbanta si Kim Jong-un na tatargetin ng missile nito ang Guam na teritoryo ng US. Gumanti si Trump sa pagsasabing kung gusto ni Kim na malusaw ang kanyang bansa, subukan niyang gawin ito.

Habang isinusulat ko ito, patuloy sa bungangaan sina Mang Donald at ang tabatsoy na si Kim. Umaasa ang mga tao sa mundo na sana’y hindi matuloy sa aktuwal na giyera ang word war ng dalawang lider sapagkat baka ito na maging simula ng armaggedon o pagkawala ng planetang daigdig.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Samantala, inihayag ng US na pipigilan nito ang labis na maritime claims o pagdomina ng isang bansa sa karagatan.

Bagamat hindi binanggit ang pangalan, ang pinatutungkulan ng Amerika ay ang China, na ngayon ay umaaktong HARI sa West Philippine Sea-South China Sea (WPS-SCS) habang ang Pilipinas, sa pamumuno ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD), ay parang basang sisiw na takot na takot sa pagsiyap at parang tuta na umuungol sa isang sulok.

Inaangkin ng China ang halos kabuuan ng WPS-SCS. Patuloy ito sa reklamasyon at militarisasyon sa ilang teritoryo na saklaw ng ‘Pinas. Ang Arleigh Burke-class guided missile destroyer USS John S. McCain ay nagsagawa ng maniobra noong Agosto 10 sa Karagatan ng Pilipinas (Philippine Sea). Nagdaan ang US warship sa artipisyal na isla na itinayo ng China sa Mischief o Panganiban Reef malapit sa Palawan. Ayon sa bansa ni Uncle Sam, ito ay bahagi ng tinatawag nilang “freedom of navigation operations.”

Dahil sa avian flu virus na nakaapekto sa mga manok sa isang barangay sa Pampanga, may 37,000 fowl, karamihan ay mga sisiw ang namatay sa San Carlos, San Luis, Pampanga. Nakatakdang “imasaker” ng Department of Agriculture (DA), sa pakikipagtulungan ng gobyerno ng Pampanga, ang 200,000 manok upang maiwasan ang pagkalat ng virus na maglalagay sa panganib sa kalusugan, hindi lang mga kabalen kundi ng mga mamamayan sa Metro Manila at iba pang lugar.

Magtiis muna tayo mga kabalen na hindi kumain ng fried chicken. Sa panig ko, sinabihan ko ang aking ex-GF na huwag munang magluto ng tinola dahil sa kontrobersiya sa avian flu. Sa halip, bumili muna siya ng gulay at iyon ang aming ulamin. Apektado ang iba’t ibang grupo o samahan na hanap-buhay ang manok, tulad ng United Broilers Raisers Association (UBRA), isang malaking poultry industry group.

Ipinaalam nila sa publiko na ligtas kumain ng karne ng manok basta iluto lang nang husto. Ligtas ding kainin ang mga itlog. Ubra daw, ayon sa UBRA at DA, na kainin ang itlog at karne ng manok basta tama ang pagkakaluto.

May katwiran na magalit si PDU30 sa Oxford University ng England dahil sa akusasyon nito na nagbabayad ang Pangulo sa mga fake journalist, blogger, at troll upang pagandahin ang kanyang imahe at siraan ang mga kritiko at kalaban sa pulitika. Tinawag niya ang Oxford na institusyon o paaralan ng mga bugok. Hindi raw siya nagbabayad. Gayunman, may nagsasabing maging sa mainstream media o traditional media ay meron ding “binabayaran” ang administrasyon. Bakit hindi ninyo itanong kay Sec. Martin Andanar?

Dahil sa kapalpakan ng Philippine News Agency (PNA), na ang pinakahuli ay ang paglalagay ng logo ng Dole Philippines sa halip na logo ng Department of Labor and Employment (DoLE) tungkol sa mga isyu na may kinalaman sa paggawa, maraming netizen ang sumulat na tawagin na lang ang PNA bilang PINEAPPLE NEWS AGENCY. Sec. Andanar, ano ba naman ito?