Ni: Fer Taboy
Patay ang hinihinalang bomb expert-trainer ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) makaraang makipagsagupaan sa mga pulis at sundalo sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao, nitong Martes ng gabi.
Ayon sa report ng Maguindanao Police Provincial Office (MPPO), dakong 7:15 ng gabi nang mangyari ang engkuwentro sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakilala ang napatay na si Ibrahim Ali, alyas “Kumander Libras”, umano’y bomb maker at trainer ng BIFF.
Sinabi naman ni Army Capt. Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, na nagsagawa ng law enforcement operation ang 19th Infantry Battalion, 603rd Brigade, at Autonomous Region in Muslim Mindanao-
Criminal Investigation and Detection Group (ARMM-CIDG) sa Bgy. Awang laban kay Ali.
Nakuha umano mula sa suspek ang isang .45 caliber pistol at mga bala.