Ni: Erik Espina

IKUKUBLI ko na lang ang mga personalidad na nakausap, subalit makatotohanang batikos ang kanilang isinukli sa paghuhugas-kamay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga batang pasaway sa batas. Matatandaan, may patakaran noon na kahit “minor” pa ang isang bata basta nasangkot sa krimen, pinapayagan ang hukom na ilitis at parusahan ito ng tulad sa isang akusado na nasa tamang gulang. Ang batayan ng batas ay “if he acted with discernment”, na ang ibig sabihin ay mulat na ang kanyang isipan sa kung ano ang tama at mali sa Revised Penal Code.

Isa ring batayan para tratuhing nasa hustong pag-iisip na ang bata ay kung tinaguriang “youth recidivists” o mga batang pasaway na paulit-ulit gumagawa ng kabulastugan, lalo kung dawit sa mga seryoso at karumal-dumal na krimen.

Ang problema noon, habang nililitis ang batang sangkot sa krimen, nakapiit muna ito sa mga city jail na kasama ang mga beteranong kriminal o talagang halang na ang bituka. Masamang impluwensiya ang isukob ang menor de edad sa mga “hardened criminals”. Ito ang dahilan kung bakit isinabatas ang “Juvenile Justice & Welfare Act of 2016” na para sa mga nasa edad 15 taon-pababa na kadalasang nakalulusot sa kinasasangkutang krimen. Kung pag-aaralan ang estadistika ng mga pasaway na bata, bumaba ito ng halos 50 porsiyento dahil nga sa hindi na sila tuluyang ikinukulong ng awtoridad.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa kasalukuyan, kapag may bata na itinatawid ng pulis sa DSWD, kadalasan ay pinapasa ito sa isang kilalang samahan ng mga pari na ang kawanggawa... ay kabataan at pagtatayo ng mga paaralan. Dinadamayan lang ng DSWD ng isang ngiti, sardinas at bigas ang mga pari at katulad ng bula, nawawala! Wika nga ay – “Bahala na kayo riyan!” May estilo pang bulok ang ilang pamahalaang lokal na nagpapaluwal ng budget para tumulong sa mga kabataang ligaw, subalit binubulsa ang donasyon o pinipitik ang pondo. Kaya ang mga pari ang pumapasan sa gastusin para sa rehabilitation center.

Panawagan sa DSWD na halos P72 bilyon ang pondo para lang sa 4Ps (Pantawid Pamilya Pilipino Program). Umayos kayo batay sa itinatakda ng batas na alagaan ang mga youth offender at pagpapatayo ng mga rehab center sa buong bansa.