Ni: Bella Gamotea

Apat na umano’y dayong tulak ng ilegal na droga ang naaresto sa magkasabay na operasyon ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Muntinlupa City Police sa hiwalay na lugar sa lungsod, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), nagsagawa ng buy-bust at entrapment operations ang SDEU personnel sa tapat ng isang motel sa kahabaan ng Barangay Alabang, Muntinlupa City, dakong 12:50 ng madaling araw.

Hindi na nakapalag nang posasan ng mga pulis si Alejandro Aguiman y Morales, alyas Ali, 35, tubong Samar Leyte, at nakatira sa J. Estrada 2, Parañaque City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Dumayo si Aguiman sa isang motel upang bentahan ng isang pakete ng umano’y shabu, sa halagang P500, ang isang pulis na nagpanggap na buyer na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto.

Samantala, arestado rin sina Anthony Domdom y Enriquez, alyas Anthony, 30; Anthony Quite y Talagtag, alyas Nuno, 25; at Rosemarie Apostol y Larobis, alyas Dimple, 28, pawang ng Bgy. San Martin de Porres, Parañaque City.

Isang poseur-buyer ang bumili ng P500 halaga ng shabu sa mga suspek sa kahabaan ng Figaro Bgy. Sucat, Muntinlupa City.

Nakumpiska sa tatlong suspek ang tatlong pakete na naglalaman ng hindi mabatid na dami ng hinihinalang shabu at ang P500 buy-bust money.

Kasalukuyang naghihimas ng rehas ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.