NI: Mary Ann Santiago at Aaron Recuenco
Negatibo sa bird flu virus ang dalawang lalaking trabahador sa isang manukan sa San Luis, Pampanga na ipina-isolate ng Department of Health (DoH) matapos makitaan ng sintomas ng nasabing virus.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Rosell Ubial, nakumpirma sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na karaniwang ubo at lagnat lamang ang naranasan ng dalawang trabahador.
Kaugnay nito, tiniyak ng kalihim na mahigpit ang pagbabantay ng kagawaran sa iba pang poultry workers na lantad sa mga infected na manok.
Isinalang na ang mga ito sa screening at binigyan na rin ng mga anti-viral medicines.
Samantala, nakatakdang magpadala ng 400 sundalo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa Pampanga.
Ayon kay Col. Edgard Arevalo, hepe ng military information officer, maaari na silang magsimula sa pagpapadala ng tropa ngayong Huwebes sa iba’t ibang lugar sa Pampanga, base sa direktiba ng Department of Agriculture (DA).