Ni MARY ANN SANTIAGO
Dalawa ang sugatan habang tinatayang aabot sa 250 pamilya ang nasunugan sa pagsiklab ng apoy sa tatlong kalye sa San Miguel, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nahirapang huminga at nagtamo ng mga paso sa kamay at paa sina Efren Ornates, 54, at Melvin Domana, 39, kapwa ng San Miguel, kaya kinailangan silang isugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Ayon kay Regional Director Fire Senior Supt. Roel Jeremy Diaz, ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang apoy sa tahanan ng isang Oying Degala sa 21 Sikat Street sa Plaza San Miguel, dakong 3:45 ng madaling araw.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mahigit 100 bahay, na pawang gawa sa light materials at sinisilungan ng 250 pamilya, gayundin sa barangay hall ng Barangay 645, Zone 67, District 6.
Umabot sa ikalimang alarma ang sunog bago idineklarang under control sa ganap na 6:51 ng umaga at tuluyang naapula dakong 8:22 ng umaga.
Sinabi ni Diaz na posibleng napabayaang kandila ang sanhi ng sunog dahil naputulan umano ng kuryente si Degala.
Sa kalkulasyon ng BFP, aabot sa P2 milyon ang halaga ng mga ari-ariang naabo.