NI: Bert de Guzman
DAHIL sa may palusutan at “tara” (padulas) sa Bureau of Customs (BoC), lumilitaw ngayon na parang mali sina President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) at Department of Justice (DoJ) Sec. Vitaliano Aguirre II na ang salot na shabu ay sa loob mismo ng National Bilibid Prisons (NBP) ginagawa at nanggagaling, lalo na noong panahon ni Sen. Leila de Lima, noon ay Justice Secretary. Sinabi noon ni Mano Digong na ang bultu-bultong shabu ay mismong sa loob ng NBP ginagawa dahil sa may shabu laboratories umano doon na pinalalakad ng mga drug lord at big-time suppliers na kinukunsinti umano ni De Lima.
Sumambulat ang nakagigimbal na shabu smuggling sa BoC matapos makumpiska ang P6.4 bilyong halaga ng droga sa isang bodega sa Valenzuela City. Dahil dito, maging ang anak ni PRRD, si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, ay nabanggit ang pangalan na kasama raw sa Davao Group na nangungulekta sa BoC.
Inulit ni PDU30 na siya ay agad magbibitiw bilang pangulo kapag napatunayang sangkot si VM Duterte. Hindi ba sinabi niya noon na kahit sa munting pahiwatig (just a whiff) ng kurapsiyon, ang sino mang puno o hepe ng alinmang departamento o ahensiya, ay sisibakin niya. Eh, bakit si BoC commissioner Nicanor Faeldon ay hindi pa niya sinisibak (habang isinusulat ko ito)?
Naniniwala si Pres. Rody na bumaba ang kurapsiyon sa BoC matapos niyang italaga sa Customs si Faeldon at kasamahang mga sundalo. “Customs is like that, graft-ridden. So, I have these soldiers who mounted a mutiny during Arroyo’s time and the clarion call was reform because graft is no longer tolerable.”
Kung ganoon, sundot ng kaibigang journalist: “Bakit siya nakikipagmabutihan kay GMA, na malapit pa niyang alyado ngayon, gayong sina Faeldon at mga kasama ay nagrebelde sa rehimen ni Gloria dahil sa kurapsiyon?” May punto si kaibigan dito. Samantala, nananawagan ang mga senador na tugisin at samsamin agad ang 2,000 kilo ng shabu na naipasok sa ‘Pinas mula sa China noong Mayo sa pamamagitan ng green o express lane.
Hinihiling nina Sen. Richard Gordon at Panfilo Lacson sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at sa NBI na tiktikan at samsamin ang iba pang shabu shipments upang hindi makapinsala sa mga kabataang Pinoy, umimpis ang kanilang utak (ayon sa Pangulo), at maging parang baliw o zombies sa lipunan, at maging salot sa lipunang Pilipino.
Kung ang malalaki at dambuhalang bulto ng shabu ay galing sa China (na kinakaibigan ni PRRD), hindi ba niya kayang sabihin o ipakiusap sa kanyang BFF na si Pres. Xi Jinping na higpitan ng kanilang Immigration ang pagpupuslit ng bawal na droga patungo sa Pilipinas? Maliwanag na hindi sa NBP nanggagaling ang mga shabu kundi sa China at iba pang bansa. Kawawang Delilah, este De Lima, na naging biktima ng galit ni Pres. Rody at ng “kataksilan at kasinungalingan” ng mga panginoon ng droga (drug lords) na tumestigo laban sa kanya.
Hanggang kailan mananatili si Sen. Leila sa kanyang detention cell sa Camp Crame? O mabubulok na siya roon tulad ng mabagsik na pahayag ng Pangulo?