Ni: Dave M. Veridiano, E.E.
WARI ko’y bumubula ang bibig sa galit ng mga tumatangkilik sa “riding sharing vehicles” nang bigla silang mawalan ng tagahatid at tagasundo, mula bahay hanggang sa pinagtatrabahuhan, matapos suspindehin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng Uber.
Ang kautusang ito na inilabas ng LTFRB nitong weekend ay nakaapekto sa mga nangyayari sa bangketa at kalsada, lalo na sa Metro Manila, gaya ng paglala ng mala-usad pagong na daloy ng trapiko; mahabang pila sa mga istasyon ng MRT at LRT; siksikang pila sa mga terminal ng UV at ng pampasaherong jeep; at ang pagdami ng nag-aabang ng taxi sa mga kanto.
Ayon sa mga opisyales na nagmamantine ng Uber operation, kulang pa ng 20 hanggang 30 porsiyento ang naipapadala nilang mga sasakyan sa mga gumagamit ng Uber, kaya nasisiguro nilang magmimistulang “delubyo” ang resulta nito sa mga bangketa at kalsada.
Sa palagay ko, may isang grupong napakalakas ng impluwensiya sa mga opisyales ng LTFRB kaya kulang na lang ay tuwiran nilang patigilin ang buong operasyon ng Uber. Batay kasi sa mga tala, nitong Hulyo pa lamang ay inumpisahan na ng LTFRB ang kautusang ito laban sa operasyon ng mga “riding sharing vehicles” na biglang naging paboritong sakyan ng mga tao na ikinabahala naman ng mga taxi operator.
Base sa memorandum - “The Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) has suspended for a month the operations of transport network company (TNC) Uber after it defied its July 26 order not to accept and activate new drivers into its platform.”
Sa mga nasakyan kong taxi, ramdam ko ang galit ng karamihan sa mga nagmamaneho nito sa mga Uber at Grab na pumapatay umano sa kanilang hanap-buhay. May isa pa ngang nagsabi na sinusulot ng mga operator ng Grab at Uber ang mga kagaya niyang driver ng taxi kaya nauubos sila. Halos kalahati ng mga sasakyan nila sa mga terminal ay walang naglalabas dahil lumipat na sa Uber at Grab.
Simple lang ang ganting pagpupunto ko sa mga taxi driver na ganoon ang takbo ng kuwento – “Sa palagay ko, ‘di naman sila nasulot at ‘di rin sila lumipat. Bagkus mga nagkalakas ng loob na mangutang ng pang-down para magkaroon ng sariling kotseng ilalabas gamit ang linya ng Uber o Grab. Ikaw sa tagal mo nang nagmamaneho ng taxi naisip mo ba na hanggang ngayon ay ‘di mo sarili ang sasakyang minamaneho mo? Samantalang mamuhunan ka lang nang konti ay para ka na ring naka ‘boundary-hulog’ na makaraan lamang ang ilang taon, ang kotseng minamaneho mo ay magiging sa iyo na.”
Pagbaba ko mula sa taxi, sa pakiramdam ko, parang isang taxi driver na naman ang nabawas sa isang malaking terminal, dahil nagkalakas ng loob na mag-ambisyong magkaroon din ng sariling minamanehong saksakyan.
Ayon sa LTFRB, halos 80% ng 56,000 bumibiyaheng Uber ay kolorum. Magparehistro lamang daw ang mga ito upang kumita ang pamahalaan -- “Ang sinasabi lang ho ng LTFRB is puwede ba magparehistro naman kayo. What makes you so different [from] other PUVs (public utility vehicles)?” tanong ng mga taga-LTFRB.
Sagot naman ng mga may Uber at Grab -- “Ang bagal kasi ng LTFRB sa pagproseso ng mga ‘applications of franchises’ na kailangang mabilis matapos dahil tumatakbo na buwan-buwan ang hulog sa sasakyan.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]