Ni: Manny Villar
BINABATI ko ang Kongreso at ang ehekutibo sa pagbibigay ng libreng edukasyon sa lahat ng pampublikong kolehiyo at unibersidad (state universities and colleges o SUC). Walang alinlangan na malaki ang epekto nito sa kinabukasan ng ating bansa.
Dahil dito, walang Pilipino na mapagkakaitan ng pagkakataon na makapag-aral dahil sa kahirapan.
Alam nating lahat na ang kahalagahan ng edukasyon sa kaunlaran ng bansa, ay ang pagbibigay ng mabuting buhay sa mga mamamayan.
Ngunit huwag nating kalimutan na ang kaalaman ay hindi lamang sa loob ng silid-aralan. Ito ang tinatawag ko na ibang uri ng libreng edukasyon. Hindi kailangan ang matrikula. Ang kailangan lamang ay matalas na pakiramdam sa obserbasyon at ang pagsisikap na matuto sa kapaligiran at sa mga sinasabi at ginagawa ng mga tao sa kapaligiran.
Tandaan natin na ang anumang matutuhan natin sa buhay ay kombinasyon ang natutuhan sa paaralan, ang turo ng ating mga magulang at ang ating mga karanasan. Matalino ang isang tao na magagamit ang mga kaalamang ito para sa kanyang sarili.
Ang totoo, malaking bahagi ng ating kaalaman ay hindi galing sa mga institusyon kundi sa karanasan sa buhay.
Halimbawa, ikinararangal ko na nagtapos ako sa prestihiyosong College of Business Administration ng University of the Philippines (UP). Marami akong natutuhan sa aking mga propesor – mga konsepto, proseso at kasanayan sa pagpapatakbo ng negosyo.
Ngunit marami sa mga nakakakilala sa akin ang nakakaalam na bago pa ako pumasok sa UP ay nag-aaral na ako sa tinatawag na “University of Hard Knocks.” Ang natutuhan ko sa UP ay tugma sa mga natutuhan ko sa aking nanay, na nagturo sa akin kung ano ang maging entreprenor.
Sa silid-aralan, itinuro sa akin ang proseso ng lahat ng aspeto ng negosyo upang ito ay tumakbo, umunlad at magtagumpay. Noong aking kabataan, kasama kong naglalakad si Nanay Curing pagkatapos ng hatinggabi mula sa aming tahanan sa Tondo upang magtinda ng hipon at isda sa Divisoria. Natutuhan ko ang kahalagahan ng kasipagan habang tinutulungan ko ang aking nanay sa pagtatayo ng aming puwesto habang ang karamihan sa mga tao ay mahimbing pa sa pagtulog.
Natutuhan ko sa UP ang mga pinakabagong teorya sa negosyo, ngunit natutuhan ko naman sa aking ina ang pagtitiyaga habang minamasdan ko siya sa pagsusubasta upang makakuha ng aming maititindang isda at hipon. Ginagawa niya ito araw-araw, kahit sa mga araw na walang pasok.
Isa sa mga itinuro ng nanay ko sa akin ay ang katapatan sa pagnenegosyo. Sabi niya: “Boy, huwag na huwag dadayain ang mga mamimili.” Doon ko natutuhan na maaaring magkaroon ng kabuhayan na walang sinasaktang tao.
Sabi ni Steve Jobs: “I’m convinced that about half of what separates the successful entrepreneurs from the non-successful ones is pure perseverance.” Ang pagtitiyaga, kasipagan, katapatan, ekselensiya at pagmamalasakit ay hindi matututuhan sa pakikinig lamang sa mga lektura sa loob ng silid-aralan. Nakakamit ito dahil ito ang ibinuhay mo.
Maganda ang batas na nagbibigay ng libreng edukasyon. Lamang, hangad ko na ang ating mga kabataan ay makaranas ng buong edukasyon na pinagsasama ang natutuhan sa paaralan at mga aral mula sa kanilang magulang at buhay.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)