Ni: Light A. Nolasco
SCIENCE CITY OF MUÑOZ, Nueva Ecija - Hindi nakalusot sa checkpoint ang isang miyembro ng Sangguniang Panglungsod at kasama nitong kawani ng city hall makaraan silang maaresto sa Muñoz-Lupao Road sa Barangay Bical, Muñoz City, Nueva Ecija, nitong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ng San Jose City Police ang mga naarestong sina Vincent Alvarez y De Vera, 43, city councilor, at taga-Villa Antonia, Bgy. Poblacion South; at Marvin Hipolito y Saclolo, 34, city hall employee, ng Bgy. Calabalabaan, na nahulihan ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.
Dakong 3:00 ng umaga nang parahin at sitahin sa checkpoint ang motorsiklong kinalululanan ng mga suspek dahil bukod sa walang plaka ang sasakyan ay wala umanong suot na helmet ang dalawa.
Ipakikita sana ni Hipolito ang rehistro ng motorsiklo nang malaglag ang aluminum foil mula sa U-box compartment, na nakuhanan pa ng drug paraphernalia, bukod pa sa nakuha umano sa konsehal.