NABALOT ng kontrobersiya ang unang pagtatangkang ipatupad ang RA 10913, ang Anti-Distracted Driving Act, noong Mayo makaraang isama ng mga traffic enforcer sa kanilang panghuhuli ang mga pagbabawal na hindi naman nakasaad sa nasabing batas, gaya ng pagsasabit ng rosaryo sa likod ng rear-view mirror at paglalagay ng maliliit na imahen ni Birheng Maria sa dashboard.
Pansamantalang ipinatigil ang pagpapatupad sa nasabing batas habang nireresolba ang lahat ng katanungan. Opisyal itong ipinatupad noong Hulyo 6—nang wala na ang mga naunang pagbabawal na alinsunod sa Joint Administrative Order 2014-01 ng Department of Transportation. Sa pagkakataong ito, tanging ang pagbabawal sa paggamit ng cell phone habang nagmamaneho ang ipinatupad, sa bisa ng RA 10913.
Iniulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong nakaraang linggo na sa unang buwan ng pagpapatupad ng batas ay nakakolekta ito ng R75,000 mula sa mga nagmulta sa paglabag. Nasa 250 closed-circuit television camera sa Metro Manila ang nakahuli sa may kabuuang 547 driver sa paggamit ng kani-kanilang mobile phone habang nagmamaneho o naghihintay sa traffic light—nasa 167 ang nagmamaneho ng kotse, 157 ang nakamotorsiklo, at 82 ang nagmamaniobra ng Asian Utility Vehicle (AUV).
Problema sa buong mundo ang distracted driving, na nagdudulot ng mga aksidente at pagkakaantala sa daloy ng trapiko.
Inaasahang makatutulong ang epektibong pagpapatupad ng Anti-Distracted Driving Act upang maibsan ang pangkalahatang problema sa trapiko sa Metro Manila, na mariing tinututukan ngayon ni MMDA Chairman Danilo Lim. Ipinasara na niya ang ilang terminal ng bus sa Kamaynilaan at nagpakalat ng mga traffic enforcer upang mapigilan ang illegal parking sa mga lansangan.
Sinisikap ng ilang siyudad sa mundo na masolusyunan ang problemang dulot ng mga taong nahahati ang atensiyon dahil sa kani-kanilang cell phone. Ginawan na rin ito ng paraan ng Honolulu sa estado ng Amerika na Hawaii—pinagtibay ng konseho ng siyudad ang pagbabawal sa mga pedestrian sa paggamit ng kani-kanilang mobile phone o pagte-text habang tumatawid sa kalsada. “We hold the unfortunate distinction of being a major city with more pedestrians being hurt in crosswalks, particularly our seniors, than almost any other city in the country,” anang alkalde ng lungsod.
Ngayon ay mayroon na tayong batas at mga ordinansa laban sa distracted driving at distracted walking. Binago na ng mobile phone ang buhay at pamumuhay ng milyun-milyong katao sa mundo at asahan na natin ang mas marami pang pagpupursige upang maprotektahan ang mga tao sa anumang pagkakahati ng atensiyon na maaaring idulot nito.
Iginiit ng mga tumututol sa nasabing panukala sa Honolulu na isa itong pagmamalabis ng pamahalaan at nakababawas sa personal na kalayaan. Dapat na maging alerto tayo na huwag itong mangyari rito sa ating bansa. Sa ngayon, ipatupad na lamang ang pagbabawal sa distracted driving at ating inaasam na makatulong ito sa pagpapabilis ng daloy ng mga sasakyan sa Metro Manila.