KABATAAN sa Cordillera region ang mabibigyan ng pagkakataon na matuto at maenganyo na sumabak sa sports sa paglarga ng UNESCO-cited Children’s Games ng Philippine Sports Commission (PSC) sa darating na weekend sa Baguio City.

Bilang panimula, magsasagawa ang ahensiya ng sports development planning at program seminar para sa 128 barangays sa Baguio City. Layunin ng seminar na mabigyan ng sapat na kaalaman at kakayahan ang mga sports leader ng mga barangay para maisulong ang programa ng sports sa kanilang nasasakupan.

Iginiit ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang kahalagahan nang matatag na pundasyon sa grassroots level, gayundin ang pagbibigay ng kaalaman sa sports sa mga kanayunan, higit yaong hindi nabibigyan ng pagkakataon na makakuha ng libreng programa sa sports.

“Our children are the real gold,” pahayag ni Ramirez.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kabilang sa magbibigay ng presentation sa seminar si Giovanni Gulanes, Sports Coordinator ng Davao del Norte at PSC, kung saan gagamitin niyang halimbawa ang matagumpay na grasstoors program na likha ng pagkakaisa ng local government.

Nakalinya ang boys’ 3 on 3 basketball, football, girls’ volleyball, Zumba, fun run at Larong Pinoy sa Agosto 16-18 sa Athletic Bowl.

“Only a small percentage will be coming from schools from the central area, most of the children will be from the peripheral barangays that rarely have a chance to participate in such events. This program will truly achieve its objective to give the less-privileged and marginalized to experience sports and play,” pahayag ni Paul Rillorta, Asst. Sports coordinator ng Baguio City.

Naging matagumpay na sandata para sa mga kabataan, kabilang yaong mga biktima ng iba’t ibang karahasan ang Children’s Games na inilunsad ng PSC sa Davao City sa kasagsagan ng kaguluhan sa Marawi City.

Hindi nakaligtas sa mapagmasid na UNESCO ang naturang programa na nasa ilalim ng PSC Sports for Peace at kagyat itong kinilala na isang mabisang sandata para maiangat ang abang kalagayan ng mga kabataan, kabilang ang mga Batang Bakwit ng Marawi City.