NI: Reggee Bonoan
MAGKAHALONG lungkot at saya ang aming naramdaman habang pinapanood namin ang benefit concert na Awit Sa Marawi sa AFP Theater sa Camp Emilio Aguinaldo nitong nakaraang Linggo na produced ni Joel Cruz ng Aficionado.
Kilalang pilantropo si Joel Cruz na nang malaman ang malungkot na nangyayari sa mga pamilya ng ating mga sundalong nakikipaglaban sa Marawi ay humingi siya ng tulong sa mga kaibigang singers para maitanghal ang naturang benefit show.
May target na P3.5 million ng Lord of Scents na si Joel pero nalampasan pa ito dahil nakalikom siya at ang kanyang grupo sa pangunguna ng Jams Artists Production ng P4.5M!
Walang kaduda-duda na malaking tagumpay ang show.
Nalungkot kami dahil alam nating lahat ang hirap na dinaranas ng mga sundalong lumalaban sa Marawi at ng mga pamilyang iniwan nila sa kani-kanilang tahanan na panay ang panalangin para makita pa silang buhay pagkatapos ng giyera.
Mahirap mawalan ng padre de pamilya na hindi rin naman kalakihan ang mga kinikita o maging ang matatanggap ng mga pamilyang naulila, kaya sa mga taong patuloy na nagbibigay ng tulong, pagpalain kayo ng Panginoong Hesukristo na tagapagligtas nating lahat.
Sa kabilang banda, masaya naman kami dahil ang mga inimbitahan ni Joel na makiisa sa Awit Sa Marawi ay nagbigay ng ngiti sa mga sundalong nanood ng show kasama ang kani-kanilang pamilya.
Na-appreciate namin ang opening number, awiting Piliin Mo Ang Pilipinas na sinayawan ng Kulintang, Pandanggo sa Ilaw, at Singkil ng nurses ng Baguio General Hospital habang ipinapakita sa background ang magagandang tanawin sa ating bansa.
Halakhakan ang lahat ng mga nanonood sa AFP Theater nang lumabas ang stand-up comedienne na si Boobsie dahil kung anu-anong green jokes ang pinagsasabi na bentang-benta siyempre, at pati mga bata ay nagtatawanan din.
Panalo ang Sampaguita medley ni Boobsie. Hindi inakala ng mga hindi pa nakapanood sa kanya na hindi na siya boses-bata kapag kumakanta.
Nayanig naman ang teatro sa mga boses nina Haydee (Isang Lahi/And I’m Telling You), Gem (Simply The Best/Private Dancer), at Virna (First Time) na birit kung birit at may halong growl. Iisa ang naisip ng mga nanood, ‘ano ito, sinisira nila ang boses nila?’
Natatandan namin noong kainitan ni Malu Barry na ganito rin ang style, growl din, pero ngayon ay malaki na ang pagkakaiba ng boses niya.
Kinanta ni Malu ang signature song niyang A Song For You na paborito rin ng lahat during Spindle (music bar) days.
Mataas din ang boses ni Charity Diva Token Lizares sa mga awiting Love Story at I Who Have Nothing pero hindi naman kami nabingi o napapangiwi dahil suwabe ang pagkakanta niya.
At mukhang kakilala ni Ms. Token ang lahat ng nasa loob ng AFP Theater dahil lahat ay humihiyaw sa kanya at binigyan siya ng standing ovation.
Nabitin naman ang lahat kay Jonas sa awiting Hero at Maghihintay Ako dahil napakaganda ng boses niya. Sayang nga at hindi namin inabot si Dessa nang kumanta naman ng Chandelier.
Napa-wow ang lahat nang kumanta si SSG Federico Andagan, Jr. Puwede siyang maging miyembro ng bandang Journey at kaya niyang makipagsabayan sa bokalistang si Arnel Pineda.
Panalo ang pagkanta ni Federico ng Faithfully at Don’t Stop Believin’ pati showmanship at may kasama pa siyang banda.
Kung mag-o-audition si Federico sa Journey, tiyak na pasado siya. ‘Yun nga lang, parang mas gusto niyang magsilbi sa bayan.
Feel-good naman ang What a Wonderful World ni Melchor ‘Mel’ Sorillano at What’s Forever For ni Capt. Maxilo, Jr.
Maraming fans si Kiel Alo dahil marami ang humihiyaw sa kanya habang kumakanta ng The Warrior is A Child.
Kasama rin ang grupong Angelos at maganda ang version nila ng Impossible Dream, Imagine ni JV Decena, at Fifth Gen sa awiting Anak.
In fairness, hindi nagpahuli sa professional singers ang singing soldiers na sina Federico, Elcid sa awiting Nais Ko, Mel at Capt. Maxilo, at ang AFP Singing Soldiers na kumanta ng plakadong Bohemian Rhapsody, imagine.
Sana ang susunod na benefit show ni Mr. Joel Cruz ay sa mas malaking venue para mas marami pa ang makapanood at tumulong.