Ni: Fer Taboy
Sinaniban umano ng masamang espiritu ang anim na estudyante ng high school sa Tulunan, North Cotabato kahapon.
Ayon sa report, pawang nanghina umano at natumba sa hindi natukoy na dahilan ang anim na estudyante ng Sibsib National High School sa bayan ng Tulunan.
Bumisita ang mga tauhan ng Rural Health Unit ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) at mga lokal na opisyal sa eskuwelahan upang alamin ang sitwasyon ng kabataan.
Ayon kay Al Ogatis, officer-in-charge principal, kumilos na umano ang lokal na pamahalaan kaugnay ng insidente.
Sinabi naman ni Edith Gallegos, presidente ng Parents and Teachers Association (PTA) ng eskuwelahan, planong mag-alay ng baka ang paaralan kaugnay ng umano’y pagsanib ng masasamang espiritu sa mga estudyante.
Gayunman, hiniling ni Ogatis ang konsiderasyon ng publiko sa usapin dahil iba-iba, aniya, ang paniniwala ng tao.
Hinihintay pa rin ang resulta ng medical examination sa mga bata.