NI: Mary Ann Santiago at Franco Regala
Naka-isolate ngayon ang dalawang trabahador sa isang manukan sa San Luis, Pampanga, matapos na trangkasuhin na isa sa mga sintomas ng taong tinamaan ng bird flu virus.
Ayon sa Department of Health (DoH), ang dalawang trabahador, na itinuturing na “suspected cases” lamang ng bird flu virus, ay kabilang sa 20 manggagawa na sinuri matapos magkaroon ng close contact sa mga manok na apektado ng naturang virus.
Ayon kay Health Assistant Secretary at Spokesperson Dr. Eric Tayag, isa sa mga trabahador ay inuubo habang ang isa pa ay nilalagnat, na parehong sintomas ng bird flu.
Isinailalim na ang dalawang trabahador sa laboratory tests upang makumpirma kung nahawa sila ng nasabing virus o hindi.
Inaasahan ng DoH ang resulta ng pagsusuri ngayong Miyerkules, at tiniyak na kaagad nila itong ipaaalam sa publiko.
BAYAN NG MEXICO IINSPEKSIYUNIN
Samantala, makaraang isailalim sa quarantine ang walong poultry farm sa San Luis, Pampanga at pagpapatayin ang ilang manok at itik na apektado ng bird flu, sisimulan ngayong Miyerkules ng quarantine personnel ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang pag-iinspeksiyon sa iba pang mga manukan na malapit sa San Luis, kabilang ang ilan sa Mexico, kung saan nasa 3,000 na ang namatay na hayop.
“Pupuntahan na ng (BAI) team ‘yung mga lugar na ito simula bukas para ma-confirm kung ano man ang cause ng pagkakamatay ng mga manok at itik at ma-contain din natin ang spread ng bird flu,” sabi ni Department of Agriculture (DA)-Region 3 spokesperson Dr. Eduardo Lapus, Jr.