Ni: Bella Gamotea

Sugatan ang dalawang lalaki matapos umanong resbakan at pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Makati City, kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital sina Jayson Azarraga, 19, at Jonard Aragon, 17, kapwa ng Marconi Street, Barangay San Isidro ng nasabing lungsod, dahil sa tinamong bala sa tagiliran at braso.

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang pamamaril sa isang sari-sari store sa Marconi St., Bgy. San Isidro, dakong 9:00 ng gabi.

National

Grok, hindi na aalisin sa Pinas—DICT

Ayon sa mga saksi, nakatayo si Azarraga sa tapat ng tindahan habang nakaupo naman sa nakaparadang pedicab si Aragon nang sumulpot ang dalawang armadong lalaki na magkaangkas sa motorsiklo at makailang beses pinaputukan ang mga biktima.

Duguang bumulagta sina Azarraga at Aragon habang mabilis na tumakas ang mga suspek.

Bago ang insidente, sinuntok at dinibdiban umano ni Azarraga ang isang Angel Lagarto dahil sa selos.

Sa pag-alis umano ni Lagarto, makalipas ang ilang minuto ay pinagbabaril na sina Azarraga at Aragon.

Narekober sa pinangyarihan ang walong basyo ng bala ng .9mm.

Nagsasagawa na ng follow-up operation sa insidente.