Huelgas at Adorna, kumpiyansa sa pagdepensa sa SEA Games.

GINULAT nina Nikko Bryan Huelgas at Claire Marie Adorna ang mga karibal para maibigay sa Team Philippines doubles gold sa triathlon sa Southeast Asian Games sa Singapore may dalawang taon na ang nakalilipas.

Sa muling pagsabak sa biennial meet sa Kuala Lumpur, Malaysia, kumpiyansa ang Triathlon Association of the Philippines (TRAP) na mapapanatili ng Pinoy triathletes ang kampeonato.

Handa at nakapagsanay ng lubusan sina Huelgas at Adorna para sa target na back-to-back title sa triathlon na gaganapin sa Water Sports Complex sa Kuala Lumpur sa Agosto 19-30.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Matapos ang tagumpay sa Singapore, kumubra ng panalo si Huelgas sa ASTC Triathlon Asian Championships nitong Hulyo sa Jakabaring Sports City sa Palembang, Indonesia.

Naitala niya ang tyempong dalawang oras at 50 segundo, may limang minuto ang bilis sa kanyang SEA Games rival na sina Indonesians Jauhari Johan (2:05:35) at Muhammad Ahlul Firman (2:05:57).

Sumabak naman sa mahigit isang buwang pagsasanay si Adorna sa Phuket, Thailand. Sa kabila ng tinamong ‘mild’ hamstring injury na nagpabagal sa kanyang pagkilos sa nakalipas na kampanya sa Asian meet, kumpiyansa ang kanyang coach na si Melvin Fausto na makukuha niya ang kabuuang lakas bago ang SEA Games.

“I’m expecting both of them to win gold medals,” pahayag ni Trap president Tom Carrasco, nagsisilbi ring chairman ng Philippine Olympic Committee (POC) at head ng POC-PSC SEA Games task force.

“Wag lang madidisgrasya. Kumbaga sa boxing, wag lang mala-lucky punch. Otherwise, maganda ang chances natin na makakuha ng dalawang gintong medalya,” aniya.

Malaki rin ang tsansa ng dalawang pang pambato ng bansa na sina Kim Mangrobang at John Chicano.

Nagsanay si Mangrobang, silver medalist sa women’s division sa Singapore SEAG, sa masusing pagsasanay ni Portuguese coach Sergio Santos sa Portugal. Pumuwesto siya sa ika-19 sa 26 na kalahok sa 2017 Tiszaujvaros International Triathlon Union World Cup sa Hungary.

Nakopo rin niya ang distaff side ng ASTC Triathlon Asian Championships kamakailan laban sa mga karibal sa SEA Games.

Kasama naman ni Huelgas na nagsasanay si Chicano sa pagtuturo ni Australian mentor Brett Sutton sa Johor Bahru.