Ni: Merlina Hernando-Malipot

Maglalatag ng mekanismo ang Commission on Higher Education (CHED) upang maiwasan ang pagdagsa ng mga estudyante mula sa mga pribadong higher education institutions (HEIs) na lilipat sa pampubliko dahil sa implementasyon ng Free Tuition Law.

Nilinaw ni CHED Commissioner Prospero De Vera III na hindi magkakaroon ng “open admission” sa State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and College s (LUCs) upang maibsan ang mga pangamba ng maramihang paglipat ng mga estudyante mula sa pribadong unibersidad.

Sinabi ni De Vera na kokontrolin ito ng CHED – kasama ang iba pang kinauukulang ahensiya – “by pegging the subsidy from government on a percentage of the actual or the regular increase in the enrollment of SUCs and LUCs using 2015 data as a basis.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa pagbabalangkas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Free Tuition Law, ipinaliwanag ni De Vera na sinisilip nila ang iba pang “components” ng batas.

Isa na rito ang probisyon upang matiyak na hihigpitan ng SUCs at LUCs ang kanilang “admission and retention policies.”

Sa pamamamagitan nito, aniya, tanging ang mga estudyante, halimbawa na nagpagpatala nang full load at natapos ang kanilang kurso sa tamang panahon, ang pagkakalooban ng funding assistance ng gobyerno.

“We will also exclude students who are doing their second degree, for example, and make sure that the enrollment of state universities, colleges and LUCs will be controlled,” anang De Vera.

Noong Agosto 3, nilagdaan bilang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10931 o “Universal Access to Quality Tertiary Education Act” na nagpapalawak sa sakop ng free tuition at miscellaneous sa SUCs at LUCs sa buong bansa simula sa Academic Year 2018-2019.