Ni: Mary Ann Santiago
Sugatan ang isang driver, dalawang pasahero niyang estudyante at isang pedestrian nang mabangga ng kanilang tricycle ang isang police truck na nakaparada sa harapan ng Manila Police District (MPD) headquarters sa United Nations Avenue sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.

Kabilang sa mga nasugatan si Agie Ramon, tricycle driver, nasa hustong gulang, na nagtamo ng sugat sa mukha at leeg at napilay ang kaliwang braso. Nagtamo naman ng mga gasgas sa katawan ang dalawang menor de edad na estudyante ng Araullo High School; gayundin ang pedestrian na si Lira Mundac, na napilayan din sa braso.
Batay sa ulat, dakong 6:00 ng umaga kahapon nang mangyari ang aksidente sa harapan mismo ng MPD headquarters.
Kuwento ni Ramon, ihahatid sana niya ang mga pasahero sa Taft Avenue mula sa Otis Street, nang mapilitan siyang kabigin ang manibela ng tricycle pakanan upang iwasan ang nakasabayang kotse.
Gayunman, dahil sa bilis ng takbo ng tricycle ay hindi na ito nakontrol pa ni Ramon hanggang dire-diretsong bumangga sa nakaparadang police truck.
Naglalakad sa lugar si Mundac at papasok na sa trabaho nang minalas na mahagip ng tricycle.
Nadiskubre naman ng mga pulis na student license lamang ang mayroon si Ramon, na kakasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple physical injuries.