Ni: Francis T. Wakefield
Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kahapon ng umaga na mananatiling epektibo ang batas militar sa Mindanao kahit lumiit na sa 20 hanggang 40 ang bilang ng mga terorista sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ito ay matapos kumpirmahin ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na ang bilang ng mga terorista sa Marawi ay bumaba sa 20-40 na lamang at ang lugar na pinagtutuunan ng militar ay dalawang barangay na lamang mula sa 96 na barangay sa lungsod.
“Between 20 to 40 na lang siguro ‘yan. So, the force is getting smaller. And their capacity to inflict harm, by the way, is still there because they still have arms, they still have adequate ammunition, and they still continue to hold hostages. So that’s the compounding factor,” sinabi ni Padilla sa Mindanao Hour press briefing kahapon.
Sinabi rin ng opisyal, na bagamat kailangan ng publiko na malaman ang sitwasyon sa Marawi, hindi ito ang tanging rason kung bakit idineklara ni Pangulong Duterte ang batas militar sa buong Mindanao.
“Don’t look at Marawi per se as the reason for keeping martial law. You know, this rebel group has a structure that is beyond Marawi,” pahayag ni Padilla. “They have groups in other portions of Lanao, in Maguindanao, in Sulu archipelago, et cetera.”
Dagdag pa niya, bagamat naisasapubliko ng militar ang isyu ng seguridad sa Marawi, hindi ito nangangahulugan na babawiin na ang martial law sa Mindanao.
“No. We still have a lot of homework to do. We still have a lot of areas to address. And that is why we still need it,” ani Padilla.
Aniya ang mga indikasyon ng batas militar ay maaalis lamang kung ganap nang natitiyak ang seguridad, hindi lamang sa Marawi.
Ayon sa huling report ng AFP, may kabuuang 1,728 sibilyan ang nailigtas; 45 sibilyan at 562 terorista ang napatay, 619 baril ang nakumpiska, at 128 sa panig ng gobyerno ang nasawi.