Ni: PNA
NADISKUBRE ng mga neuroscientist sa University of California, San Francisco (UCSF), na pinalalakas ng utak ng hayop ang motor skills nito habang natutulog.
Ayon sa pag-aaral na inilathala sa Nature Neuroscience, napag-alaman ng mga mananaliksik na habang nangyayari ang non-rapid eye movement, o ang non-REM, sa pagtulog ay bumabagal ang brain waves kaya napalalakas nito ang neural touchpoints na direktang konektado sa mga nagagawa o naiintindihan lamang kapag gising.
Pinamunuan ni Karunesh Ganguly, associate professor ng neurology sa UCSF, nagtanim ang grupo ng electrodes sa motor region ng utak ng mga daga upang madala ang mga electrical signal nito sa isang computer, na magpapagalaw sa nakakabit na aparato, sa isang proseso o sistema na tinatawag na brain-machine interface (BMI).
Ipinaliwanag ni Tanuj Gulati, postdoctoral scholar at panguhahing may akda sa pag-aaral, sa inilabas na balita na normal nang gawin ng isang partikular na neuron ang pagkontrol sa katawan, ngunit ang bagong relasyon ng nasabing neuron ay maaaring kabitan ng panlabas na aparato.
Ang na-redirect na neuron, sa kasong ito, ay makatutulong sa pagkontrol sa panlabas na aparato, at masusubaybayan ng mga mananaliksik ang aktibidad ng neuron na ito upang makita kung paano pinagsasama ng utak ang bagong kaugnayan na ito.
“Eventually the rats learn to delink actual movements from the spout—they know they don’t really need to flinch their arm or do anything to make it move,” ani Gulati. “All they have to do is volitionally control the pipe and it will come to them.”
Ang mga nadiskubreng ito ay magiging daan upang makabuo ng mga bagong medical stimulation device, at consumer-driven wearable na mga aparato, o “electroceuticals”, na magpapagana sa mga brain cell at makapagpapaibayo sa kaalaman ng tao.