Ni NONOY E. LACSON

ZAMBOANGA CITY – Isang sub-leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) na nahaharap sa patung-patong na kasong kriminal, mula sa kidnapping hanggang sa siyam na bilang ng muder, sa iba’t ibang korte sa Sulu at Tawi-Tawi, ang napatay sa pakikipagbakbakan sa dagat sa Joint Task Force Sulu sa Sulu, nitong Linggo ng madaling araw.

Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesperson Army Capt. Jo-Ann Petinglay ang napatay na ASG sub-leader na si Salvador Muktadil, alyas “Badong”, isa sa magkakapatid na Muktadil.

Ayon kay Petinglay, sakay ang mga tauhan ng Joint Task Force Sulu sa mga barko ng Philippine Navy nang makipagbakbakan sa grupo ni Badong sa Barangay Silangkan, Parang, Sulu bandang 1:10 ng umaga nitong Linggo, na ikinamatay ng suspek.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon kay Petinglay, isa si Badong sa Muktadil Brothers na karaniwan nang inuutusan ng ASG sa mga high-profile murder at cross-border kidnappings.

Sangkot din si Badong sa pagdukot kina Yahong Lim ng Sempornah, Sabah; Evelyn Chang ng Tawan, Sabah; at Naga, Zamboanga Sibugay Mayor Gemma Adana.

“Badong is well-experienced in operating speedboats utilized by the Abu Sayyaf as getaway vehicles in executing kidnapping ploy,” sabi ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu. “His death rendered high seas kidnappings, particularly in Tawi-Tawi and Sabah, suppressed.”