Ni: Celo Lagmay

GUSTO kong maniwala na ang ilang economic advisers ni Pangulong Duterte ay nagiging balakid sa ilang programang pangkaunlaran ng gobyerno, lalo na sa paglutas ng suliranin sa kamangmangan o illiteracy problem. Nakatingin sila sa malayo at ‘tila manhid sa pagdama sa bigat na pinapasan ng administrasyon at ng mismong sambayanan.

Mabuti na lamang at sa kabila ng nakadidismayang paninindigan ng naturang economic advisers hinggil sa kawalan o kakulangan ng pondo sa free tuition fee sa state university and colleges (SUCs), walang kagatul-gatol na nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Universal Access to Tertiary Quality Education act. Nagkakaloob ito ng libreng matrikula at posibleng iba pang pangangailangan ng mga estudyante sa nasabing mga paaralan.

Maliwanag na ayaw ng Pangulo na mabigo ang kanyang administrasyon sa pagkakaloob ng makabuluhang edukasyon sa taumbayan, lalo na sa kabataan. Paulit-ulit niyang binigyang-diin ito, lalo na sa kanyang pakikitungo sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP); kailangang mabigyan ng libreng edukasyon ang kanilang mga anak; kaakibat ito ng kanyang pangako na itataas ang suweldo ng mga pulis at sundalo, isang bagay na natitiyak kong ipinagkikibit-balikat ng kanyang economic advisers.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Totoong nakalulula ang P20 bilyon kakailanganin sa free tuition fee program ngayon hanggang sa 2018; at maaaring humigit pa rito hanggang sa ganap na ang implementasyon ng nabanggit na batas. Mabuti na lamang at pinagaan ng mga mambabatas ang pangambang ito. Tiniyak nila na may sapat na pondo para rito ang maiipon nila mula sa iba’t ibang scholarships ng mga departamento ng gobyerno.

Nasagap ko ang paniniyak ng ilang mambabatas na makatutulong nang malaki kung iuukol nila, lalo na ng mga Senador, ang kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF). Bagamat ang naturang pondo na lalong kilala bilang pork barrel ay itinatanggi ng ilang mambabatas, ‘tila higit naman ang naniniwala na ito ay... lihim pa ring nakasingit sa General Appropriations Act (GAA). Higit na makabubuting ito ay ilaan sa libreng edukasyon kaysa maging mitsa pa ng pangungulimbat na tulad ng naging talamak noong nakalipas na mga administrasyon.

Walang kasing-halaga ang pagkakaloob ng free tuition fee sa mamamayan, lalo na sa maralitang mga pamilya. Bukod sa Pilipinas, maraming bansa ang nagkakaloob ngayon ng tertiary education, tulad ng Norway, Sweden, Denmark, Greece, Argentina, Brazil at iba pa.

Palibhasa’y may matayog na pagpapahalaga sa edukasyon, natitiyak ko na ang naturang batas ay maituturing na hulog ng langit sa ating lahat. Matauhan sana ang ilang economic advisers ng Pangulo na malulugmok sila sa matinding kahihiyan kung magiging kakampi sila ng kamangmangan.